Sa huling linggo ng taong 2020, humabol pa sa “bardagulan” o diskusyon sa Twitter ang issue kung ano nga ba ang pagkakaiba ng turbo broiler at air fryer.
Oo, tama ang pagkakabasa mo. Pati ang simpleng gamit sa kusina ay sentro na ng bangayan ngayon sa social media.
Nagsimula ito nang mag-post ang isang netizen sa Twitter ng isang paalala na wag daw maging tanga, kasama ang isang litrato ng turbo broiler at air fryer.
Sa litrato, direktang tinukoy ang air fryer bilang isang nagpapanggap o “disguised” na turbo broiler.
Kapansin-pansin kasi na sa mga nakalipas na buwan o ngayong panahon ng pandemic, unti-unting mas naging popular ang mga air fryer.
Sa katunayan, kasama ang item na ito sa mga items on sale noong nakaraang 11.11 at 12.12 sale sa online shopping kagaya ng Shopee at Lazada.
Ngayong panahon naman ng kapaskuhan ay kapansin-pansin din na isa ang air fryer sa items na maraming naka-display sa mga appliance stores sa malls. Discounted din ang karamihan sa brands ng item na ito.
Biro nga ng ilan sa social media, ito na raw yata ang bagong Dalgona coffee at ube cheese pandesal.
Matatandaang noong simula ng lockdown o quarantine ngayong pandemic, unti-unting sumikat o naging craze ang Dalgona coffee at ube cheese pandesal. Karamihan ng posts sa social media ay may kinalaman sa mga ito.
At ngayon naman, matapos ang pagkauso sa iba’t ibang klase ng halaman, tila ang kinahuhumalingan naman ngayon ng publiko ay ang air fryer.
Marami ang namangha at naaliw sa teknolohiya sa likod ng air fryer dahil sa kakayahan nitong makapagluto at makapagprito nang hindi nangangailangan ng malaking amount ng mantika. Tipid nga naman, ‘di ba?
Ang ilan naman ay sadyang conscious lamang sa kinakain kung kaya’t swak para sa kanilang healthy diet ang mga pagkaing luto sa air fryer.
Dahil sa patuloy na pagpatok ng air fryer sa publiko, napapatanong tuloy ang karamihan. Ano nga ba ang kaibahan nito sa turbo broiler?
At dito nga sumentro ang naging diskusyon sa Twitter matapos direktang sabihin ng isang netizen na ang air fryer at turbo broiler ay iisa lamang.
Narito ang ilan sa mga naging reaksiyon sa tweet na ito.
Bagama’t may ilang direktang tumukoy sa pagkakaiba at pagkakapareho ng dalawang kitchen appliances, may ilan namang mas umalma sa paraan ng pag-tweet na ito, partikular ang paggamit ng salitang tanga na hindi naging maganda ang dating.
Pati ang komedyanteng si K Brosas ay nakapagkomento tungkol dito.
Ang sa amin lang…
Magkapareho man o hindi sa tingin mo ang isang bagay, at kung ang intensyon mo lang ay i-point out ang kanilang pagkakapareho o pagkakaiba, may mga salitang mas angkop gamitin para hindi magmukhang nagmamarunong lang at para hindi na rin maka-offend ng kapwa.
Ayos lang naman mag-voice out ng mga opinyon natin gaano man ito kaiba sa pananaw ng mga nasa paligid natin. Basta wag lang nating kalilimutang irespeto ang mga kaibahang iyan. Pwede naman ang healthy discussion, di ba?
At isa pa, kaysa ubusin natin ang lahat ng energy natin sa mga ganyang bagay, bakit hindi na lang sa mas malalaking issues? Andiyan pa ang Philhealth na hindi pa nalilinaw ang nawawalang Php 15 billion pero magtataas na ng singil sa contribution ngayong 2021. Andiyan pa rin ang walang katapusang issue ng kapalpakan sa COVID-19 response. (At napakarami pang iba.)
Ayos lang na paminsan-minsang malibang tayo sa maliliit na bagay gaya ng turbo broiler vs. air fryer. Pero wag natin hayaang malibang tayo nang lubusan at malimutan na may mas malalaking issues pa sa paligid natin na nasa labas ng social media.