Paano kung isang araw habang ikaw ay nagsusukat ng mga damit sa fitting room ng isang sikat na department store ay biglang bumukas ang sahig at ikaw ay nahulog mula dito?
Ganito ang sinasabing naging karanasan ng aktres na si Alice Dixson nooong dekada ’90.
Balikan natin ngayon ang buong kwento ng sikat na urban legend na ito.
Alice Dixson
Si Alice Dixson ay unang nakilala sa larangan ng showbiz noong 1980s.
Nakilala sya bilang ang unang gumanap sa karakter na Faye sa TV sitcom na Okay Ka Fairy Ko katambal ang komedyanteng si Vic Sotto bilang Enteng Kabisote.
Tumatak din sya sa mga pelikulang Si Malakas at si Maganda, at Dyesebel.
Maliban sa mga tv shows at pelikula, nakadikit na rin sa pangalan ni Alice ang urban legend tungkol sa isang insidenteng diumano ay kinasangkutan nya at ng sinasabing isang kakaibang nilalang sa isang sikat na mall sa Quezon City.
Robinsons Galleria
Ang Robinsons Galleria na matatagpuan sa Ortigas sa Quezon City ay pag-aari ng sikat na billionnaire businessman na si John Gokongwei. Nakilala rin sya bilang isa sa mga pinakamayamang tao sa Pilipinas. Kilala rin ang pamilya Gokongwei sa iba’t iba pang negosyo sa buong bansa.
Ang Taong-Ahas
Ayon sa mga kwento, nagkaroon ng kambal na anak si John Gokongwei at ang asawa nito. Ito nga ay ang kanilang anak na babae na si Robina at ang kakambal nito na lalaki na may kakaibang anyo na pinangalanang Robin. Ito diumano ay katawang tao sa itaas na bahagi, at katawang ahas naman sa ibabang bahagi.
Sinasabing pinagmumulan ito ng kakaibang swerte ng pamilya Gokongwei gaya ng paniniwala ng mga Chinese na nagdadala ng swerte ang mga ahas, lalo na sa mga negosyo. Ang taong ahas na ito diumano ay nangingitlog ng ginto at ito ang lalo pang nagbigay ng kayamanan sa pamilya Gokongwei.
Dahil sa dalang swerte ni Robin o ng taong ahas, inilagaan nila ito at itinago sa basement ng Robinsons Galleria. Ayon pa sa mga kwento, mayroon daw mga hidden camera na konektado sa mga fitting room ng department store ng mall. Dito raw napapanood ng taong ahas at napagmamasdan ang mga babaeng nagsusukat ng mga damit.
Kapag natipuhan daw nya ang isang babae, may pipindutin lamang syang isang espesyal na pindutan upang bumukas ang sahig ng fitting room hanggang sa tuluyang mahulog patungo sa basement ng mall ang kanyang biktima. Dito na nga nagaganap ang kahindik-hindik na pagpatay at pagkain ng taong ahas sa kanyang biktima.
Ang Engkwentro
Isang araw, sa pamimili ng aktres na si Alice Dixson ay napadpad sya sa department store ng Robinsons Galleria. At ayon nga sa mga kwento ay noon sya muntikan nang maging biktima ng taong ahas. Matapos syang matipuhan ng taong ahas ay bumukas ang sahig ng fitting room kung saan sya kasalukuyang nagsusukat ng mga damit.
Gaya ng mga nauna ng biktima, nahulog sya patungo sa basement ng mall kung saan nakatira ang taong ahas. Mabuti na lamang daw at nakakita sya ng isang sikretong lagusan palabas bago pa sya tuluyang maging biktima ng taong ahas. Nakatakas sya at nakalusot sa isang underground na lagusan papunta sa kalapit na hotel.
Ang TV Interview
Isa rin sa itinuturong makakapagpatunay raw sa nangyaring insidente ay ang sinasabing interview kay Alice sa isang TV program kung saan tinanong sya tungkol sa insidenteng ito. Nang aktong sasagot na raw si Alice ay bigla na lamang naputol sa ere ang TV show sa hindi malamang dahilan at biglang nag-commercial ito. Pagbalik ng show matapos ang commercial ay hindi na raw muli pang ipinakita si Alice — bagay na ipinagtaka ng mga manonood noon.
Ang Katahimikan
Isa pang palaisipan sa mga tagahanga nya noon ay ang biglaang pag-alis ng bansa ni Alice papuntang Canada. Ito ay sa kabila ng kanyang kasikatan noong mga panahong iyon.
Ayon sa mga kwento, kinausap daw si Alice ng pamilya Gokongwei at binayaran ng 850 million pesos kapalit ng pananahimik nya tungkol sa nangyari.
Rita Avila
Sa iba pang bersyon ng kwento, sinasabing pati ang aktres na si Rita Avila ay isa sa mga nabiktima ng taong-ahas sa fitting room. Ang naging kapalaran daw ni Rita ay hindi kagaya ng nangyari kay Alice dahil hindi ito nakaligtas sa taong-ahas.
Sabi pa sa mga kwento, ang Rita Avila na nakikita at napapanood pa natin hanggang ngayon ay ibang tao na sapagkat ang tunay na Rita Avila ay nakain na ng taong-ahas matapos itong matipuhan nito.
Iba pang mga Biktima
Sinasabing ilan sa mga unang biktima ng taong-ahas na ito ay ang mga katulong sa bahay ng mga Gokongwei.
Kabilang din sa sinasabing patunay sa pagkakaroon ng taong ahas sa fitting room ng department store ng Robinsons ay ang mga biglaang pagkawala ng kanilang mga saleslady. May mga report diumano na dalawang babae ang misteryosong nawala at nang hanapin ay napag-alamang hindi pa sila nag-a-out mula sa trabaho. Patunay lamang daw na nasa trabaho sila nang sila ay biglang maglaho.
Mga Teorya
Sa isang panayam kay Robina Gokongwei na sinasabing kakambal ng taong ahas, mariin nyang itinanggi ang kwento tungkol sa diumano’y kakambal nya. Aniya, wala raw syang ideya kung saan at kung paano nagsimula ang kwentong ito. May mga tao pa nga raw na kapag kausap sya ay tinitingnan na parang sinusuri ang kanyang balat lalo na sa binti kung sya ay may balat din na parang sa isang ahas. Kapag naman daw tinatanong sya kung nasaan na ang kanyang kakambal, pabiro na lang nyang sinasabi na naging handbag na at ibinebenta na sa department store ng Robinson.
Ayon naman sa ilan, maaari raw na pakana ng mga kalaban sa negosyo ang pagkakaroon ng kwento ng taong ahas. Maaaring gawa-gawa lamang daw ito para siraan ang negosyo ng pamilya Gokongwei.
Duda naman ng ilan, maaaring pakana rin ito ng pamilya Gokongwei mismo para mas pag-usapan ang kanilang mga negosyo.
Hindi man direktang napatunayan ang katotohan ng mga kwento, naging paboritong paksa ito ng mga kwentuhan. Kapag nababanggit ang urban legend, hindi maaaring mapasama sa usapan ang kwento ni Alice Dixson at ng taong ahas sa Robinsons.
Marami ang naniwala at natakot noon. May ilang umiwas na lamang sa pagpunta sa fitting room ng nasabing mall dahil sa takot na sila naman ang maging susunod na biktima.
Sa paglipas ng mga taon, hindi pa rin namatay-matay ang kwento ng taong ahas. Patuloy pa rin itong nagiging sentro ng usap-usapan.
Noong 2014, sinasabing ang urban legend na ito ang pinaghugutan ng kwento ng pelikulang Shake Rattle and Roll 15 na tinampukan rin mismo ni Alice Dixson.
At noong 2018, naging endorser pa mismo ng Robinsons malls si Alice at lumabas sa isang commercial na tinampukan ng ilang eksena sa fitting room ng nasabing mall.
Itutuloy…