Usap-usapan ngayon sa social media ang viral TikTok video ng isang lalaking guro dahil sa diumano’y posibleng child ab use action.
Agad namang ipinag-utos ni Department of Education Secretary Leonor Briones sa regional director ng DepEd Central Luzon ang mabilisang imbestigasyon hinggil sa nasabing video.
Sa nasabing viral video, makikitang sumasayaw ang isang lalaking guro at may caption na:
“Pag dumaan yung cute na student mo, tamang pa cute lang.”
Ayon sa DepEd, bilang guro at kawani ng gobyerno, obligasyon na siguraduhing ligtas at may pag-aaruga ang learning environment ng mga kabataan.
Kabilang dito ang tungkulin kung saan ang pisikal, verbal, seksuwal, at iba pang uri ng mga pang-aabuso at diskriminasyon ay dapat na talikuran.
Ayon pa kay Briones, ang DepEd ay isang institusyon na nagbibigay proteksyon sa mga karapatan ng bawat Pilipinong mag-aaral at hindi papayagan ang ano mang pang-aabuso sa mga kabataang mag-aaral.
Heto ang opisyal na pahayag ng Department of Education hinggil sa isyu.
Nobyembre 5, 2021 – Ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), bilang institusyon na pinagkakatiwalaan sa pagprotekta ng mga karapatan ng bawat mag-aaral na Pilipino, ay hindi pumapanig sa anomang anyo ng pang-aabuso sa kabataan.
Kaugnay nito, inutusan na ni Kalihim Leonor Magtolis Briones ang Regional Director ng DepEd Central Luzon upang agarang imbestigahan ang viral TikTok video ng isang guro na nag-uudyok ng potensyal na child abuse action, at bigyan siya ng kaukulang parusa.
Pinapaalalahanan lagi ang ating mga guro at non-teaching personnel na iayon ang ating mga salita at kilos, kabilang ang ating aktibidad sa social media, sa pinakamataas na antas ng pamantayang etikal at propesyonal.
Bilang guro at tagpaglingkod sa bayan, lagi dapat nating itaguyod ang ligtas at mapaglinang na kapaligiran sa pagkatuto para sa kabataan, kung saan ang pisikal, berbal, sekswal at iba pang anyo ng pang-aabuso at diskriminasyon ay hindi tinatanggap.
Sa ating pagdiriwang ng National Children’s Month, patuloy ang DepEd sa pagpapalakas ng polisiya at mga aktibidad nito sa capacity-building sa pagsulong ng adbokasiya sa pagbibigay ng proteksyon sa mga mag-aaral laban sa pang-aabuso.
#SulongEduKalidad #DepEdPhilippines #DepEdTayo