Pia Wurtzbach, nag-react nang tawagin siyang “Miss Copycat”

Classy ang naging sagot ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach sa isang Instagram post ng isang Indonesian pageant fan.

Sa nasabing Instagram post, tinawag si Pia na “Miss Copycat” dahil sa iconic blue gown na isinuot niya sa finals night ng Miss Universe noong 2015.

Inihambing kasi sa post ang nasabing gown at ang gown na isinuot naman ng American actress-singer na si Keke Palmer sa isang awards night sa Hollywood noong 2014.

 

At dahil malaki raw ang pagkakahawig ng dalawang gowns, tinawag na ‘copycat’ ang Pinay beauty queen.

Ang gown ni Pia ay gawa ng Filipino fashion designer na si Albert Andrada.

Ang gown naman ni Keke ay gawa ng Russian couturier na si Rubin Singer.

Sa nasabing Instagram post, may nakasulat na “TO MUCH INSPIRASON KAK [HEART EMOJI]” na tila ang English translation ay “too much inspiration, sis.”

Sa caption naman ay nakalagay na: “MISS COPYCAT @piawurtzbach” na sinundan ng maraming thumbs down emojis.

Naka-tag sa nasabing post si Pia, maging ang Binibining Pilipinas, kung kaya naman nakita niya ang nasabing larawan.

Hindi pinalampas ni Pia ang paninirang ito ng Indonesian pageant fan.

Nag-reply ang Pinay beauty queen ng wink emoji, na tila nagsasabing hindi niya ikinaiinsulto ang pagtawag sa kanya na ‘copycat.’

At sa sumunod niyang comment, inilagay niya ang sumusunod na hashtags: “#WINNER #PHILIPPINES #POWERHOUSE.”

Bagama’t wala nang ibang salita sa reply, malinaw naman ang tila nais iparating na mensahe ni Pia.

Sa kabila ng paratang na pagiging copycat, si Pia pa rin ang nanalo bilang Miss Universe.

At sa kabila ng patutsadang ito ng Indonesian pageant fan, hindi pa rin mababago ang katotohanan na maituturing nang powerhouse ang Pilipinas pagdating sa nasabing international beauty pagent.

Maraming netizens ang natuwa sa paraan ng pagpatol ni Pia sa negatibong post.

May ilan din namang nakiusap na palampasin na lamang ang mga ganitong kritisismo.

Depensa naman ng ilan, tila nananadya kasi ang Instagram post dahil naka-tag pa mismo si Pia — patunay umano na nais talaga nitong makuha ang pansin ng beauty queen.

Mayroon ding mga Indonesian fans ang humingi ng paumanhin sa ginawa ng kanilang kababayan.

Kapansin-pansin din na sa ngayon ay naka-private na ang Instagram account ng nasabing Indonesian pageant fan.

* * * * * * * * * * * *

Please follow us on our social media accounts! 😍

Facebook: www.facebook.com/thepinoydaily

Twitter: www.twitter.com/thepinoydaily

Instagram: www.instagram.com/thepinoydaily

Leave a Reply

Your email address will not be published.

error: Content is protected!
%d bloggers like this: