Naospital ang isang 21-anyos na lalaki sa Pangasinan dahil sa impeksiyon sa kanyang maselang bahagi ng katawan.
Ayon sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV show na “Balitang Amianan” noong Miyerkules, ikinuwento ng lalaki na itinago sa pangalang “Alberto” mula sa Manaoag, Pangasinan ang nangyari sa kanyang pagkalalaki.
Dahil sa impeksiyon, namamaga ito at unti-unti nang nabubulok dahil sa isinaksak niya ditong petroleum jelly.
Taong 2019 umano nang maengganyo siya ng kanyang mga kabarkada na magturok ng petroleum jelly sa kanyang ‘private part.’
Sa mga katulad na insidente na naiuulat noong nakaraan, ilang kalalakihan ang gumagawa nito sa pribadong bahagi ng kanilang katawan dahil sa kagustuhan nilang mas lumaki ito.
Ayon sa kwento ni Alberto, hindi niya naisip na ganito ang magiging epekto sa kanyang pagkalalaki ng ginawa niyang pagtuturok dito ng petroleum jelly.
Nagaya lang po ako sa mga barkada ko. Akala ko hindi ganito ang mangyayari.
Dahil sa nasabing impeksiyon, hirap siya sa paglalakad, maging sa posisyon ng kanyang pagtulog.
At dahil nga dito, kailangan siyang maoperahan para matanggal ang itinurok niya sa kanyang sarili.
Aminado siyang kulang siya sa kakayahang pinansiyal kaya nananawagan siya at nanghihingi ng tulong para sa gagawing operasyon.
Ayon din sa report, lubhang delikado ang ginawang pagtuturok sa katawan ng “foreign materials” dahil sa posibleng idulot nito na komplikasyon.
Paalala ni Dr. Anna De Guzman ng Pangasinan Provincial Health Office:
Unang-una, kung hindi kayo lisensiyado na mga doktor or wala kayong mga training para sa mga cosmetology na mga ganito, hindi kayo ina-advice na gagawin ninyo ‘yan.