Nahihirapan ako kasi mataba ako.
Ito ang naging pahayag ng anim na taong gulang na lalaki na si Arby.
Sa kanyang edad, tumitimbang na siya ng mahigit 70 kilos o mas mabigat ba sa isang kabang bigas.
Hindi ko maitaas ang mga kamay ko. Sobrang bigat niya.
Sa kanyang edad, hindi rin daw niya kayang maligo mag-isa kaya kailangan pa siyang paliguan ng kanyang Mama.
Hindi rin siya nakakalusot sa pambu-bully ng kanyang mga kalaro na tinatawag siyang ‘baboy.’
Sobrang sakit po. Tao naman din po kasi ako eh. Hindi naman ako baboy.
Gusto ko pong mabawasan ang aking timbang. Para hindi na po nila ako tuksuhin. Para po makapaglaro ako tulad ng ibang mga bata.
Sa kwento naman ng kanyang ina na si Babylene, 4 kilos na raw si Arby nang ipanganak.
Nagpasalamat ako kay Lord kasi blessing na malusog ‘yung anak ko.
Pero unti-unti ko pong napansin na parang linggo-linggo, tumataas ‘yung timbang niya!
Hanggang sa nag-two and a half years old na siya, hindi ko na siya makarga sa sobrang bigat!
Gustuhin man daw nilang ipa-check up sa malalaking ospital si Arby, hindi nila magawa dahil baon sila sa utang.
Sa ulat ng proramang Kapuso Mo, Jessica Soho kagabi, napatingnan na nila sa mga eksperto ang kalagayan ng bata.
Ayon sa kanila, si Arby ay sobra ang timbang para sa edad o ‘yung tinatawag na obese.
Sa pamantayan kasi ng World Health Organization (WHO), ang tamang timbang para sa edad na anim na taon ay 22.8 kilos lamang.
Malayo ito sa timbang ni Arby na 73 kilos.
Kaya naman pinayuhan na rin siya na iwasan ang pagkain ng mga matataba, mamantika at maaalat na mga pagkain.
Base rin sa resulta ng isinagawang home laboratory tests sa kanya, lumalabas na masyado ring mataas ang kanyang sugar level at cholesterol.
May problema rin siya sa functioning ng atay at thyroid.
Meron din siyang tinatawag na metabolic syndrome na pangkaraniwan sa mga adults.
Kung mapapabayaan, magiging at risk din siya sa mga cardio-vascular diseases sa kanyang pagtanda.
Pinayuhan siyang sundin ang meal plan na ibinigay ng nutritionist. Pinag-eehersisyo din siya nang regular.
Determinado naman ang bata na sundin ang mga payo sa kanya para sa pagpapapayat lalo na’t pangarap niya ang maging pulis.