Kailangan ko po ng tulong niyong lahat. ðŸ˜ðŸ˜ðŸ˜Sana po matulungan niyo ako/kami. Nanginginig pa rin po ako sa takot na nararamdaman ko.
Ito ang ipinost sa Facebook ng food delivery rider si Marvin Ignacio noong Huwebes, April 1, matapos umanong sumugod sa Lugaw Pilipinas ang dalawang lalaki at naghatid ng memo na nagpapasara sa tindahan ng lugaw na naging kontrobersyal sa isang viral video kamakailan.
Matatandaang si Marvin ang delivery rider sa viral video noong March 31, kung saan nanita ang isang barangay official na ipinagpilitang hindi ‘essential’ ang lugaw kung kaya’t hindi ito maaaring i-deliver lalo na sa oras ng ipinapatupad na curfew.
At nito ngang April 1, sa isa na namang Facebook Live na ini-upload ni Marvin, makikita ang dalawang lalaki na ayon sa kwento ni Marvin ay sumadya sa Lugaw Pilipinas upang ihatid ang utos ng pagpapasara ng nasabing tindahan.
Ayon kay Marvin, hindi maayos ang pakikipag-usap ng dalawa na nagpakilala lamang bilang sina ‘Rudy’ at ‘Jollibee.’
Kinumpronta umano ni ‘Rudy’ si Marvin at sinisi sa pagtatangka ni Phez sa sarili nitong buhay.
Si Phez ang barangay official sa viral video na nanita kay Marvin at nagsabing hindi ‘essential’ ang lugaw.
Sa takot ni Marvin, agad niyang sinimulang kuhanan ng video ang pangyayari upang may ebidensiya siya anuman ang mangyari sa kanya.
Ngunit sa taranta niya, hindi niya agad napansin na naka-mute pala ang kanyang video.
As of this writing, mayroon nang 106K views ang nasabing video.
Mapapanood ang buong video dito.
Sa pag-uwi ni Marvin sa kanilang bahay, dito na niya isinalaysay ang buong pangyayari kasabay ng paghingi ng tulong sa mga kinauukulan dahil sa aniya’y ginawa sa kanya ng dalawang lalaki.
Sa pagpapatuloy ng kanyang Facebook Live, ikinuwento niya ang naramdamang takot para sa sarili dahil sa nangyari.
Sana po matulungan ninyo kami. Pinagiinitan na naman ‘yung Lugaw Pilipinas. May nagpunta po doon, tama po ba ‘yun? Pasensya na po ha, kasi natatakot talaga ako… Baka saktan nila ako kasi ang tatapang nila eh.
Nawala lamang daw ang angas at yabang ng dalawang lalaki nang makita ng mga ito na nagsimula na siyang kumuha ng video.
Kahina-hinala ‘yung galaw nila. Wala silang kasamang barangay tanod, wala silang mobile. Naka-motor lang talaga sila, tapos ang gusto nila isara ‘yung tindahan kasi mayroon daw silang memo na pinapakita.
Tila kahina-hinala rin umano ang dokumentong ipinakita ng dalawa.
May isang lalaki pinakita ‘yung papel na di siya official. Aalam mo ‘yung piniktyuran lang tapos ni-scan tapos prinint? Tapos tatlong page yun ‘yung pinapakita niyang papel.
Natatakot talaga ako eh. Kaya nag-live po agad talaga ako kasi baka po saktan nila ako ang tatapang nila eh.
Samantala, kinabukasan naman, April 2, ay humarap sa publiko ang kapitan ng Brgy. Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan na si Capt. Marciano Gatchalian kaugnay ng nasabing ‘lugaw’ controversy.
Panoorin ang nasabing video dito.
Iniharap din niya sa publiko ang barangay official na nasa viral video na nagpakilalang si Phez Raymundo, isang VAWC (Violence Against Women and Children) desk officer.
Humingi ito ng paumanhin kay Marvin, gayundin sa may-ari ng Lugaw Pilipinas, at sa publiko.
Maliban sa kanya, iniharap din ng kapitan sa publiko ang dalawang lalaki na nakuhanan ni Marvin ng video na sumugod sa Lugaw Pilipinas.
Humingi rin ang mga ito ng paumanhin kay Marvin at nagsabing handa silang harapin ang anumang kaparusahan na maaaring ibigay sa kanila dahil sa pangyayari.
Itinanggi rin nila na may intensiyon silang mag-harass o manakit kay Marvin.
Samantala, sa ulat ni GMA-7 reporter Jamie Santos sa 24 Oras kagabi, kinumpirma ni Marvin na tuloy ang pagsasampa nito ng kaso sa dalawang lalaki.
Pinag-iinitan na po ako rito sa lugar namin, nakokompromiso na po ‘yung buhay ng pamilya ko dahil sa pangha-harass. Gusto ko po sana silang bigyan ng leksiyon, harapin po nila ‘yung ginawa nila sa akin para hindi na po ito pamarisan kung may iba pa pong gustong gumawa nito is matakot na po. Sa legal action na lang po tayo magharap.