Kung may nalabag akong batas, eh di kasuhan na lang nila ko. Haharapin ko yun. Lalaban ako, di ba?
Ito ang naging pahayag ng sikat na YouTuber at sexy actress na si Ivana Alawi nang hingin ang saloobin niya tungkol sa mga gustong kasuhan siya dahil sa kanyang ‘pulubi prank.’
Matatandaang naging trending ang YouTube video niya kamakailan kung saan siya nagpanggap na pulubi bilang bahagi ng isang prank.
Sa nasabing prank, sinubukan niyang manghingi ng tulong sa mga tao sa iba’t ibang lugar.
At ang bawat tulong na natanggap niya mula sa mga naging ‘biktima’ ng prank ay sinuklian din naman niya.
Tinumbasan niya ng isang libong piso ang bawat piso na ibibigay sa kanya bilang tulong.
Matapos mag-viral ang nasabing video, nabalot din ito ng kontrobersiya.
Bagama’t maraming netizens ang natuwa sa kabutihang-puso ng aktres at sa kabaitan ng ilang naging ‘biktima’ ng prank, may ilan din namang hindi natuwa sa nasabing prank.
May mga nagsabi na ang ginawa raw niya ay isang tuwirang paglabas sa PD 1563 o Anti-Mendicancy Law of 1978 na nagbabawal sa panlilimos at pagpapalimos sa ating bansa.
Sabi pa nga ng ilan, dapat raw na makasuhan siya upang hindi na pamarisan pa ng iba.
Ngunit para sa aktres, handa siyang harapin ang anumang kaso kung may nalabag man siyang batas.
Kasi para sa akin, I didn’t do anything wrong!
Ang intensiyon ko is just to help out and to inspire people.
Ipinagdiinan rin niyang masaya siya sa kinalabasan ng nasabing video.
Wala akong tinapakan na tao, wala akong nasaktan na tao and masaya ako sa video and I will do ito again!
Naniniwala rin daw siya na kahit anong gawin niya, may masasabi pa rin naman ang iba.
Na-realize ko sa buhay, no matter what you do, kung may gagawin kang maganda, kung may gagawin kang di maganda, lagging may masasabi sila.
Sa kanyang latest vlog, nagbigay rin siya ng updates tungkol kay Tatay Joselito na nakilala rin niya nang dahil sa pulubi prank.
Matatandaang si Tatay Joselito ang kutsinta vendor na pinaka-umantig ng puso ni Ivana sa lahat ng naging ‘biktima’ ng kanyang prank.
Bukod kasi sa ibinigay nito sa kanyang bente pesos, nagbigay din ito ng kutsinta at nagprisintang ibili siya ng maiinom.
Nakipagkwentuhan din ito sa kanya tungkol sa buhay nito hanggang sa tuluyan na siyang napaluha.
Ibinalita niya na nagkita na silang muli at inabutan niya ito ng tulong.
Ipinamili rin niya si Tatay Joselito ng ilang gamit, at sinurpresa rin ng isang bagong motorsiklo.
Masasabing tunay ngang napakabusilak ng puso ng YouTube superstar at laging handang mag-abot ng tulong sa mga nangangailangan.
Ilang beses na ring napabalita ang pagbabahagi niya ng tulong sa ating mga kababayan na nasalanta ng sakuna gaya ng pagbagyo at pagbaha.
Ang pagiging bukas-palad niyang ito marahil ang dahilan kung kaya naman patuloy siyang inuulan ng pagpapala.
Sa katunayan, sa nasabing vlog din siya nagkaroon ng ‘unboxing’ ng kanyang ‘diamond button award‘ mula sa YouTube dahil sa pagkakaroon ng 10 million subscribers ng kanyang YouTube channel.