Humahakot ngayon ng views sa Facebook ang video na ini-upload ng isang delivery rider na sinita sa checkpoint sa isang barangay sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Ang isyu ng mga taga-barangay checkpoint — oras na ng curfew at hindi naman daw maituturing na ‘essential’ ang lugaw na ide-deliver sana niya.
Sa Facebook Live ni Marvin Ignacio na nagtatrabaho bilang rider ng isang sikat na food delivery service, makikita ang isang babae na nagpapaliwanag sa kanya kung ano ang mga bawal at hindi bawal ngayong panahon ng ECQ.
Maayos naman ang pakikipag-usap ng babae na isa palang barangay official at paulit-ulit nitong ipinapaliwanag sa delivery rider ang guidelines na kasalukuyang ipinapatupad sa lugar.
Sa katunayan, may hawak pa nga itong printed copy ng guidelines na ipinapaliwanag nito.
Ang naging sentro ng diskusyon ay ang pagsasabi ng babaeng ito na hindi ‘essential’ ang lugaw na ide-deliver sana ng rider sa nasabing lugar.
Maayos na nagpaliwanag ang delivery rider at sinabi nito na sumusunod lang din naman ang food delivery service na pinagtatrabahuhan niya sa mga guidelines na kasalukuyang ipinapatupad.
Ang punto ng babae:
Essential po ba si lugaw? Hindi. Mabubuhay ang tao kahit walang lugaw. Ang essential, tubig, gatas, groceries.
Sumagot naman dito ang rider at sinabing:
Pagkain po yun, Ma’am eh.
Ngunit tila ayaw paawat ng babae at kumontra pa rin at sinabing:
Hindi nga. Eh di sana lahat ng pagkain bukas.
As of this writing, mayroon nang 3.3K shares at 74K views ang nasabing video.
Panoorin dito ang nasabing viral Facebook video.
Bagama’t hindi naman na bago ang pagpapatupad ng community quarantine sa buong bansa, tila mayroon pa ring kalituhan sa pagpapatupad nito kagaya ng sinapit ng delivery rider na nakuhanan sa video.
Kaya naman hindi maitago ng netizens sa comment section ang kanilang pagkainis at pagkadismaya.
Matatandaan na noong March 29, muling isinailalim ang ilang lugar sa bansa sa tinatawag na Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Ito ay bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng C0VlD-19 sa bansa partikular na sa Metro Manila at mga karatig-probinsya.
Ipapatupad ang ECQ hanggang April 4 sa NCR+ na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal.
Kaakibat ng pagpapatupad nito sa mga nasabing lugar ang ilang guidelines na inilatag ng IATF.
Kabilang na dito ang pagpapatupad ng curfew mula 6:00 PM hanggang 5:00 AM kinabukasan.
Gayundin ang paglilimita sa paglabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan o kung hindi naman ‘essential’ ang pakay sa labas.
Ngunit base sa IATF guidelines, kabilang ang pagkain sa itinuturing na essential goods.
Essential goods and services – covers health and social services to secure the safety and well-being of persons, such as but not limited to, food, water, medicine, medical devices, public utilities, energy, and others as may be determined by the IATF.
Basahin ang kabuuan ng IATF guidelines dito.