Kutsinta vendor na tinulungan ni Ivana Alawi, namahagi rin ng tulong sa kapwa

Kamakailan ay naging trending topic ang prank video ng sikat na YouTuber at aktres na si Ivana Alawi.

Sa nasabing YouTube video, nagpanggap ang sexy actress na pulubi na manghihingi ng tulong sa mga magiging ‘biktima’ ng prank.

PHOTO: Facebook | Ivana Alawi

Ang lahat ng tulong na natanggap niya mula sa mga may mabubuting kalooban ay sinuklian niya ng gantimpala sa sandaling  nagpakilala na siya bilang si Ivana.

Ang bawat piso na ibinigay sa kanya ay pinalitan niya ng isang libong piso.

Sa lahat ng naging ‘biktima’ niya sa kanyang prank, pinakatumatak sa kanya ang kutsinta vendor na si Tatay Joselito Martinez.

Maliban kasi sa iniabot nitong bente pesos sa kanya, nag-alok pa itong ibili siya ng tubig o softdrinks para makain niya ang kutsinta na bigay rin nito.

Screenshot: YouTube | Ivana Alawi

Tila naging palagay rin ang loob ng aktres dahil nakipagkwentuhan pa ito nang matagal-tagal kay Tatay Joselito.

At bilang ganti sa kabaitan nito sa kanya, inabutan niya ito ng 20,000 pesos — bagay na ikinagulat at ipinagpasalamat ng matanda.

Screenshot: YouTube | Ivana Alawi

Sobrang naging emosyonal si Ivana sa kabaitang ipinakita nito sa kanya kaya bago matapos ang vlog ay sinabi niyang ipapahanap niyang muli si Tatay Joselito upang maabutan pa ng mas maraming tulong.

As of this writing, mayroon nang 17 million views ang nasabing video sa YouTube channel ni Ivana.

At sa mga kumalat na larawan sa social media nitong nakaraang linggo, makikitang nagkita nang muli ang dalawa.

Base sa mga kuhang larawan, mukhang ipinamili na ni Ivana ng mga gamit ang matanda.

Sa kasalukuyan ay wala pang inia-upload na bagong video tungkol dito si Ivana kaya naman patuloy pa ring naghihintay ang kanyang mga tagahanga na sabik na makibalita sa pagkikita nilang dalawa.

Samantala, nagsimula na ring mag-upload ng YouTube videos si Tatay Joselito kung saan makikita ang lubos-lubos nitong pasasalamat kay Ivana.

Umiiyak niyang ikinuwento at ipinagpasalamat ang motorsiklo na ibinigay sa kanya ng aktres.

Screenshot: YouTube | Joselito Martinez

Mapapanood rin ang isang video niya kung saan makikita siyang nagre-repack ng bigas at iba pang mga relief goods na ipapamahagi naman niya sa mga kagaya niyang tindero na nangangailangan rin ng tulong.

Dahil dito, pinapurihan siya ng mga netizens na lalong humanga sa kanyang pagiging matulungin sa kapwa.

Screenshot: YouTube | Joselito Martinez

Makikita rin ang pamamahagi niya ng tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng kutsinta sa kapwa.

Siya ang patunay na kapag ginawan ka ng kabutihan ng kapwa, maari mo ring ibalik ito sa pamamagitan ng paggawa rin ng kabutihan sa iba.

Maraming netizens ang nagsabing sana ay dumami pa ang kagaya nina Ivana at Tatay Joselito.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

error: Content is protected!
%d bloggers like this: