Muntik nang ikalunod at ikamatay ng isang 16-anyos na binatilyo ang isang katuwaan nilang magkakaibigan.
Sa isang CCTV footage, makikita ang isang grupo ng mga kabataan na tila nagsasaya at nagkakabiruan lamang sa gilid ng pool.
Idinetalye sa report ng GMA News ang nangyaring ito sa isang resort sa Rosario, Agusan Del Sur.
Makikitang pinaikot-ikot ng mga kasama niya si ‘Ralph‘ nang labing-anim na beses bago tuluyang itulak sa swimming pool.
‘Helicopter challenge’ ang tawag sa ginawa nila na kinukuhanan din ng video ng isang kasamahan nila gamit ang cellphone camera.
Ang inakala nilang isang simpleng katuwaan lamang ay muntik mauwi sa isang trahedya.
Kahit na nakita nilang nahihirapang makaahon si Ralph dahil sa pagkahilo, inakala ng mga kaibigan na nagbibiro lamang siya dahil marunong naman itong lumangoy.
Pinigilan din umano ng mga kaibigan ang isang lifeguard na nagtangkang tumulong agad.
Nang hindi na nila makita pang umahon o lumutang si Ralph ay saka pa lamang nila ito nilusong sa pool upang tulungan.
Umabot pa ng tatlong minuto bago ito nahanap ng lifeguard at naiahon.
Hindi na ito humihinga, mabuti na lamang at naisalba pa ng lifeguard sa pamamagitan ng CPR.
Sa kasalukuyan ay nagpapagaling pa rin nang tuluyan si Ralph sa isang ospital.
Ayon sa kaniya, hindi naman siya galit sa mga kaibigan niya pero inamin niyang dismayado siya sa mga ito matapos niyang mapanood ang CCTV footage at makita na walang ginawa agad ang mga ito upang tulungan siya.
Ayon sa kapatid niya, humingi na rin ng paumanhin ang mga kaibigan ni Ralph.
Kung ang ama ni Ralph ang masusunod, nais nitong magsampa ng reklamo laban sa mga may kinalaman sa nangyari.
Ayon naman sa pulisya, maaaring sampahan ng reklamaong reckless imprudence resulting to physical injury ang mga kaibigan ni Ralph.
Maaari ding managot ang pamunuan ng resort.