Isa sa mga naapektuhan ng retrenchment na epekto ng pandemya ang flight attendant na si Leigh Nazaredo.
Dahil sa travel restrictions na dulot ng community quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa, naapektuhan rin ang travel industry na kinabibilangan ng airline company na dating pinagtatrabahuhan ni Leigh.
Mula sa dating lima hanggang pitong biyahe sa isang araw, nabawasan ito dahilan upang mabawasan rin ang dating sinusweldo ni Leigh na Php50,0000 hanggang Php70,000.
Di nagtagal, kinailangan na ring magbawas ng tauhan ng kumpanya at isa nga si Leigh sa mga nawalan ng trabaho.
Bilang breadwinner ng kaniyang pamilya, ang sweldo niya bilang flight attendant ang tanging pinagkukunan nila ng ikabubuhay.
At dahil nga sa isang iglap ay nawalan siya ng trabaho, kinailangan niyang umisip ng ibang paraan upang patuloy na kumita para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Naisipan niyang magsimula ng isang maliit na negosyo at ito ay ang pagtitinda ng mga streetfoods gaya ng fishballs, squidballs, kikiam, siopao, at kung ano-ano pa.
Sa maliit na negosyo nilang ito, kumikita siya ng Php500 sa isang araw.
Bagama’t maliit ito kumpara sa kita niya sa dati niyang trabaho, ito ang pilit nilang pinagkakasya ngayon sa kanilang mga gastusin.
Hindi naman daw niya ikinakahiya ang trabahong ito dahil hindi naman siya lumaki sa marangyang pamumuhay.
Hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa na balang-araw ay makakabalik siya sa pinangarap niyang trabaho simula nang siya ay bata pa.