Lolit Solis at Cristy Fermin, nag-react matapos bansagang lider ng mga ‘Marites’

Hindi raw ang tipo nila Cristy Fermin at Lolit Solis ang uurong sa kanilang mga bashers.

Sa interview sa kanila ng editor ng Pilipino Star Ngayon at Pang-Masa na si Salve Asis, nagbigay sila ng mensahe sa kanilang mga bashers sa social media.

Ayon kay Lolit, hindi nila kailangan sa career nila ang ‘pampagulo sa buhay’ nila.

“Hindi na namin sila kailangan ni Cristy sa career namin. Jusko, pampagulo lang sila sa buhay namin. Hayaan mo sila.”

Matatandaang kamakailan ay naging maingay ang pangalan ni Lolit sa social media matapos niyang unahan sa pagbabalita si Alex Gonzaga tungkol sa pagkakakunan nito.

Hindi naging maganda ang reaksiyon ng netizens hinggil dito pati na rin ang asawa ni Alex na si Mikee Morada na nag-comment pa sa mismong post ni Lolit.

Humingi naman ng paumanhin si Lolit sa mag-asawa matapos ang insidenteng iyon.

Ayon naman kay Cristy, wala namang mangyayari kung papatulan nila ang mga bashers.

“At kung papatulan ba namin sila, bababa ba ang presyo ng gas na linggo-linggong tumataas, ni hindi nga namin sila kilala.”

Naging trending naman sa social media si Cristy sa kasagsagan ng kontrobersiyal na hiwalayan nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla.

Muli siyang naging usap-usapan nang magbigay ng ‘unsolicited advice’ kay Nadine Lustre.

Ayon sa dalawang kolumnista, magsasayang lamang sila ng oras kapag pinatulan pa nila ang mga bashers.

“Hay naku, mauubos ang oras niyo. Hindi namin kayo papansinin. Never ko kayong kokontrahin,” ani Cristy.

Nagbigay din sila ng reaksiyon sa pagbansag sa kanila ng ilang netizens na sila ang lider ng mga ‘Marites.’

‘Marites’ ang bansag ng netizens sa mga mahihilig sa tsismis.

“At least leader, hindi kami follower,” sabi ni Cristy.

Dagdag pa ni Lolit, “At saka bakit sila basa nang basa, ‘yun pala naiirita sila sa tsismis namin?

“Gusto lang nila i-chismis namin buhay nila, e wa silang name.

“Di ba, wa silang name, paano namin sila ichi-chismis? Walang babasa sa kanila.”

Leave a Reply

Your email address will not be published.

error: Content is protected!
%d bloggers like this: