Mygz Molino, hindi pa rin nakakapag-move on sa biglaang pagpanaw ni Mahal

“Hindi pa ako naka-move on sa nangyari sa kanya.”

Ito ang naging malungkot na pahayag ng indie actor at vlogger na si Mygz Molino nang mag-guest ito sa GMA-7 show na The Boobay and Tekla Show (TBATS) kagabi, October 31.

Napahagulgol pa siya nang mapag-usapan ang biglaang pagpanaw ng kaibigang si Mahal.

Halos di na siya makapagsalita para sagutin ang mga tanong tungkol kay Mahal dahil iyak na lang siya nang iyak.

Ipinapanood kasi ang huling guseting nilang dalawa sa TBATS.

Ayon sa kanya, hanggang ngayon ay nami-miss pa rin niya ang komeyante.

Bukod sa pagiging malapit na kaibigan ay ka-tandem din niya ito sa kanilang YouTube channel.

Hanggang ngayon nga raw ay hindi pa rin siya nakakapag-move on sa biglaang pangyayari.

“Hindi mawawala sa akin yung mga tawa niya, ngiti niya. Yung mga binibigay niyang kasiyahan, sa pamilya ko, sa mga taong sumusuporta sa kanya.

“Kasi, gusto ko iparamdam sa kanya yung mga hindi niya nagawa nung mga dati-dati pa.”

Kwento pa niya, madalas daw na nagpaparamdam sa kanya si Mahal na idinadaan sa paru-paro at maging sa mga panaginip.

“Ang ano sa akin, yung paru-paro, kasi ngayon lang nangyari sa akin yun. Sa panaginip.

“Sa bahay kasi, nakikita mo siya kahit saan. Sa kuwarto, sa mesa. Kaya minsan, hindi na ako natambay sa bahay, dun na ako sa likod. Naalala ko palagi siya. Sobrang hirap niyang kalimutan.

“Hindi pa ako naka-move on sa nangyari sa kanya.”

Hindi rin nakalimutan ni Mygz na magpasalamat sa lahat ng sumusuporta sa tandem nila ni Mahal.

Nangako rin siya na ipagpapatuloy pa rin niya ang mga vlog na ginagawa nila dati ni Mahal.

Kabilang na nga rito ang pagbibigay ng tulong gaya ng huling ginawa nila nang dalawin ang ka-partner dati ni Mahal na si Mura.

Matatandaang sinadya nila ni Mahal ang tirahan ni Mura sa Albay para abutan ito ng tulong ilang linggo bago pumanaw ang komedyante.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

error: Content is protected!
%d bloggers like this: