Nagpaliwanag na si Jake Cuenca tungkol sa kinasangkutan nitong insidente kamakailan.
Ito ay tungkol sa hindi niya umano paghinto matapos mabangga ng kanyang minamanehong SUV ang sasakyan ng operatiba ng pulisya na nagsasagawa ng drug bust sa Mandaluyong City noong Sabado ng gabi, October 9.
Dahil sa hindi paghinto ng aktor, pinaputukan ng mga pulis ang mga gulong ng kanyang sasakyan upang huminto ito.
Sa isang exclusive interview ni MJ Felipe sa TV Patrol kagabi, October 12, nagbigay ng kanyang panig ang aktor.
“For me, in that moment, I was thinking, I was fearing for my life.”
Ayon kay Jake, papunta siya noon sa bahay ng kapwa ABS-CBN actor na si Paulo Avelino nang mangyari ang insidente.
Paliwang niya, hindi nakauniporme ang mga pulis kaya nagdalawang-isip siya kung ano ang tamang gawin.
“When you have civilians flagging down my car, armed civilians, flagging down my car with unmarked vehicles, my instinct talaga was to not stop, to go forward, to just get away from trouble.”
Ayon sa naunang mga report, nabangga raw umano ng sasakyan ni Jake ang sasakyan ng pulis.
Itinanggi naman ito ng aktor at sinabing walang bakas na nakabangga ang sasakyan niya.
“Hindi ko talaga naramdaman yung ano, e, yung side-swipe, e, naguguluhan din kami kung sa’n nangyari yung bangga.
“Kasi in my car, there’s no paint from anywhere, there’s no damage in my car, aside from the damage that was caused by the gunshots.”
Dagdag pa niya, naintindihan naman daw niya ang ginagawang operasyon ng pulisya sa nasabing lugar noon.
Kumalma lamang daw siya nang marinig na ang sirena ng pulisya at makakita ng mga unipormadong pulis na pumara sa kanya.
Nagulat na lamang daw siya nang malamang siya pala ang hinuhuli ng mga pulis at hindi ang mga sibilyang nagpaputok sa kanyang sasakyan.
“I followed due process… Hindi ako nanlaban. Hindi ko sila pinahirapan.”
Nilinaw din ni Jake ang mga espekulasyon sa social media na nakulong umano siya.
Hindi raw ito totoo at wala ring nakitang ilegal na bagay sa kanyang sasakyan na dalawang beses umanong hinalughog ng pulisya.
Sinabi rin ni Jake na tutulong siya sa delivery rider na natamaan ng bala ng mga pulis nang paputukan ang kanyang sasakyan.
Matatandaang isang food delivery rider ang tinamaan ng ligaw na bala dahil sa nangyaring pagpapaputok ng mga pulis.
Una nang nagsabi ang kapulisan na tutulungan nila ang nasabing delivery rider.
“I also want to extend my hand.”
Nabawi na rin daw ni Jake ang kanyang sasakyan, pero matinding trauma ang naidulot ng insidente sa aktor.
Marami kasing tama ng bala ang kanyang sasakyan at ang isa rito ay malapit pa sa tangke ng gasolina.
“It was very traumatizing.”
Panoorin ang buong interview dito.