VIRAL: Drone footage ng lalaking inanod ng rumaragasang tubig sa waterfalls sa Cebu

Viral sa social media ngayong ang drone footage kung saan nakuhanan ang pagkalunod ng isang lalaking inabutan ng pagtaas ng tubig sa Tinubdan falls sa Catmon, Cebu.

Sa simula ng video ay makikita pa ang isang grupo ng mga kabataan na masayang naliligo sa nasabing falls.

Wala silang kamalay-malay sa biglaang pagdating ng malalaking agos ng tubig at pagragasa nito patungo sa kinalalagyan nila.

Mabilis na nagpulasan ang ilan sa kanila nang mapansin ang naghihintay na panganib.

May ilang inanod ng biglaang agos ng tubig ngunit mabilis ring nakaahon patungo sa pampang.

Sa kasamaang-palad, isang lalaki ang inabutan sa gitna at napalibutan ng papalaking agos ng tubig.

Panoorin ang nasabing drone footage dito.

Samantala, isang video rin kaugnay ng nasabing pangyayari ang kumakalat din sa social media.

Sa Facebook post ni Carlos Japitana Dolendo, ibinahagi niya ang video kung saan makikita ang ginawang pagsagip sa lalaki.

Aniya, sibubukan nilang i-rescue ang nasabing lalaki ngunit nabigo sila.

Pinaalalahanan rin nila ang publiko na mag-ingat sa paliligo sa waterfalls lalo na kapag masama ang lagay ng panahon.

Narito ang buong caption ng nasabing post.

“Look at here guys.. We try to rescue him to saved his life but unfortunately he’s unlucky.. I’m so sorry..

“PS: do not having fun with your family and love ones in the waterfalls if the weather is bad..”

Makikita sa video ang mabilis na pag-aksiyon ng mga tao sa paligid at gumawa ng paraan para masagip ang lalaki.

Sa kabila ng pagsisikap nilang sagipin ito ay nahirapan sila dahil sa lakas ng daloy ng tubig.

Nakabitiw ito sa lubid na ginagamit na pangsagip sa kanya at tuluyan nang inanod ng malakas na agos.

Panoorin ang nasabing video dito.

Sa ulat ni Police Corporal Mendel Orvillo ng Catmon Police Station, sinabi nitong na-recover na ang katawan ng 17-taong gulan na lalaki na inanod sa nasabing falls.

Ayon naman sa municipal government ng Catmon, natagpuan ang katawan ng biktima sa Katambisan, Corazon bandang alas-9 ng gabi o halos walong oras matapos itong malunod.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

error: Content is protected!