Naging usap-usapan sa social media ang naging rebelasyon ng Pinoy rock icon na si Mike Hanopol tungkol sa umano’y pagkakautang sa kanya ng tinaguriang “pambansang kamao ng Pilipinas” na si Manny Pacquiao.
Sa Facebook post ng singer, sinabi niyang hindi pa nababayaraan ni Pacquiao ang ipinagawa nitong Hebrew songs sa kanya.
Narito ang kabuuan ng nasabing post.
“Sabi Pacman gusto nya makatulong di Importante ang pera sa kanya e bakit ayaw mo ako bayaran nagpagawa ka ng hebrew songs sa akin i spend money on studio and musician di mo naman ako binayaran san ang tulong na sinasabi mo di ka na naawa matanda na ako niloko mo pa ako”
Hati ang naging reaksiyon ng publiko hinggil sa nasabing rebelasyon.
Kaya naman nilinaw ng Pinoy rock icon na walang halong kulay-pulitika ang naging desisyon niya na ilantad sa publiko ang nasabing paniningil kay Pacquiao.
Sa naging panayam sa kanya ng entertainment website na pep.ph, sinabi niya na ang nasabing pagkakautang ay para sa tatlong kanta na ipinasulat sa kanya ni Pacquiao noon pang September 2019.
Sinabi rin niya na kaya siya naniningil ngayon ay dahil kailangang-kailangan niya ng pera.
Nagkataon lamang daw na nakasabay ng paniningil niya ang pagkatalo ng pambansang kamao sa laban nito sa Cuban boxer na si Yordenis Ugas.
“Walang halong ano ito… alam ko maraming nag-iisip na may halong ibang kulay, kulay-pulitika, naku po! Wala ako niyan.
“Hindi pa siya bayad. Para sa simbahan niya ang mga kanta. Siya mismo ang kausap ko.
“Meron pang studio na babayaran, isang libong piso lang; ang musikero, P50,000 lang naman yun.
“Yung mga kanta, nasa kanya na. Lyrics at melody, nasa kanya na. Ako ang kumanta.”
Hindi naman niya matukoy ang dahilan kung bakit hindi pa rin siya nababayaran ni Pacquiao hanggang sa kasalukuyan.
“Naku… siyempre, unang-una, hindi ko alam kung sinadya niya na hindi ako bayaran o marami siyang appointment, busy masyado.
“Nung in-appoint niya ako, kinomisyon niya ako na gumawa ng tatlong kanta, bumalik pa ako sa senado para magtanong, wala na siya. Hindi na siya sumisipot.
“Tatanungin ko kung magbabayad ba, magkano ba ibabayad? Driver niya mismo ang kausap ko, si Amay.
“Nagsawa na lang ako, pero hindi na ako makatiis dahil ang dami ko nang kailangan na panggastos.
“Galing ako sa ospital, walang kapera-pera, walang tugtugan, wala lahat, kaya napilitan akong ilabas ‘yan.”
Matatandaang June 2021 nang ma-ospital si Mike dahil sa pagkakaroon niya ng C0VID-19.
Nang tanungin siya kung may mensahe ba siya para kay Manny, ang nasabi na lang niya ay basta bayaran siya nito.
“Bayaran lang ako, tapos!
“Bayaran ako nang sapat. Hindi naman ako naghahangad ng maraming pera, hindi!
“Biro mo, barya lang, hindi niya mapakawalan, tapos sasabihin niya, ‘Yung pera na dumating sa akin, balewala ‘yan. Hindi ‘yan ang importante sa akin. Sa akin lang, matulungan ang lahat ng mga nangangailangan.’
“Ano yung pinagsasasabi niya? Ayoko nang makialam sa mga ganyan, ayoko na.
“Basta ako bayaran lang. Basta magbayaran lang kami, tapos na okay na ‘yan. Wala na.”
As of this writing, wala pang pahayag si Senator Pacquiao o ang kampo nito hinggil sa nasabing issue.