Larawan ng pakikipag-meeting ni Anne Curtis sa GMA executives, pinag-usapan sa social media

Naging usap-usapan sa social media ang larawan na kuha sa pakikipag-meeting ng ABS-CBN actress na si Anne Curtis sa ilang executives ng GMA Network.

Marami tuloy ang nangamba na baka nangangahulugan na rin ito ng paglipat ng TV host-actress sa bakuran ng Kapuso network.

Ito ay sa gitna ng nangyayaring lipatan ng mga dating Kapamilya talents papunta sa GMA-7.

Pinakahuli na nga rito ang ABS-CBN homegrown talent na si Bea Alonzo na pumirma na ng exclusive contract sa GMA.

Dahil sa nasabing larawan, ilang tagahanga ni Anne ang nagtanong sa kanya sa Twitter.

”@annecurtissmith please tell us na gma films lang at hindi ka lilipat sa gma.”

Napansin agad naman ito ng TV host-actress at sinagot niya sa isa ring tweet.

Nilinaw niya na para sa isang iniaalok na pelikula ang nasabing meeting.

Wala pa rin naman daw kasiguruhan dahil kailangan pa niya munang basahin ang script bago magdesisyon kung tatanggapin ang nasabing offer.

Ipinaalala rin niya sa mga tagahanga na bagama’t isa siyang Kapamilya ay nakagawa na siya dati pa ng pelikula sa GMA Films.

Ito ay ang pelikulang “In Your Eyes” na pinagsamahan nilang tatlo nina Claudine Barretto at Richard Gutierrez.

“Hahaha Yes. Kalma. They pitched a film for next year na hindi pa naman sure yet. As always, I need to read the script first before making a decision. The last viva x gma film I did was IN YOUR EYES with Ate Claudine & Richard. I was already a Kapamilya then. So Kalma Lang!”

Sa kasunod na tweet, sinabi niyang walang dapat ipangamba dahil nakatakda pa ang pagbabalik niya sa Kapamilya noontime show na “It’s Showtime.”

“And isa pa, babalik pa ako sa It’s Showtime. So kalma lang madlang peeps!!!!”

Matatandaang pansamantalang iniwan ni Anne ang nasabing programa noong 2019 para sa kanyang pangaganak sa panganay nila ni Erwan Heussaff.

Hindi rin siya agad nakabalik sa programa hanggang sa pagkaka-shutdown na nga ng ABS-CBN at sa pagpasok ng pandemya hanggang sa kasalukuyan.

Pansamantala silang nanirahan noon sa Australia ngunit nakabalik na rin sa Pilipinas kamakailan.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

error: Content is protected!
%d bloggers like this: