Tinanggal na sa pinagsisilbihang parokya sa Pampanga ang isang Katolikong pari na kamakailan lang ay nasangkot sa isang viral video sa social media.
Sa pahayag na inilabas ni Archbishop Florentino Lavarias ng Archdiocese of San Fernando, tinanggal na muna sa pwesto ang naturang pari sa parokya kung saan ito nakadestino.
Ito ay bilang paunang aksiyon sa sensitibong issue.
Nagsimula na rin umano ang imbestigasyon matapos silang makatanggap ng pormal na reklamo.
“The Roman Catholic Archdiocese of San Fernando reserves the right to take appropriate actions as a more thorough investigation progresses, after the receipt of a formal complaint from the concerned party.
Hindi na muna pinangalanan ang pari sa inilabas na pahayag ng arsobispo.
Hindi na rin binanggit kung saang parokya ito nakadestino.
Matatandaang sa nag-viral na video sa social media ay makikita ang galit na galit na lalaki na sumugod at kumompronta sa isang pari.
Kita rin sa limang-minutong video ang paghagis niya ng bag at maleta at sinabing iiwan na ang misis niya sa pari.
Sa tindi ng galit ay naisumbat pa ng lalaki ang isa sa mga sampung utos na “thou shall not covet thy neighbor’s wife.”
Nagawa namang magsabi ng “sorry” ng pari ngunit lalo lamang itong ikinagalit ng lalaki.
Paulit-ulit niyang inihampas ang hawak na family portrait habang sinasabing nasira na ang kanyang pamilya.
Kasama din ng lalaki ang anak nilang mag-asawa na nagsabing pinaiimbistigahan na ang pari.
Agad kumalat ang nasabing video sa social media at umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizens.
Ang ilan ay binatikos ang pari at sinabing ito dapat ang naunang umiwas sa tukso at nanatiling magandang ehemplo para sa lahat.
Binatikos din ng ilan ang misis na sa video ay nanatiling tahimik lamang.
Pinaalalahanan naman ng ilan ang kapwa netizens na huwag maging mapanghusga.
* * * * * * * * * * * *
Please follow us on our social media accounts! 😍
Facebook: www.facebook.com/thepinoydaily
Twitter: www.twitter.com/thepinoydaily
Instagram: www.instagram.com/thepinoydaily