Angel Locsin, may pananagutan sa nangyari sa kanyang community pantry?

Usap-usapan pa rin sa social media ang nangyari sa community pantry na itinayo ng actress-philanthropist na si Angel Locsin.

Matatandaang nagtayo siya ng community pantry sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City bilang pagpupugay sa bayanihan ng mga Filipino.

Sa kanyang official Facebook page isang araw bago ang kanyang kaarawan, nag-post ang aktres ng ilang detalye tungkol sa nasabing community pantry.

Anyone is welcome. But please make sure to follow protocols.

Ang Facebook post na ito ang ito ang sinisisi ng barangay chairman ng Holy Spirit na si Chito Valmonica sa pagdagsa ng mga tao sa lugar.

Sino bang nag-imbita? Eh siyang nag-imbita sa Facebook eh. Pagkatapos ngayong nagpuntahan sasabihin mong kaya pumunta ay nagugutom?

Mali yung sagot mo na yun para sa akin. Hindi maganda. Nasaktan ako dun na para bang ang may kasalanan pa eh ang taumbayan na dahil sa kahirapan kaya pumunta dun.

Una nang humingi ng paumanhin ang aktres sa mga taong naabala sa nangyari.

Nagsimula po kami na maayos ang aming layunin, pati na ang aming pagpaplano ng social distancig, nagkataon lang po talaga na siguro gutom lang po talaga ang mga tao na kahit wala sa pila, sumingit na po sila.

PHOTO: ABS-CBN

Inako na rin niya ang pagkakamali at responsibilidad sa nangyaring pagkamatay ng isang senior citizen na pumila para makakuha ng ayuda sa community pantry.

Maayos namang tinanggap ng mga anak ng senior citizen ang paghingi niya ng paumanhin at nagpasalamat ang mga ito sa agarang tulong na ibinigay ng aktres sa kanilang pamilya.

Sa kabila nito, pinag-aaralan pa rin umano ng mga opisyal ng barangay ang posibleng pagsasampa ng reklamo laban sa aktres.

Ngunit may pananagutan nga ba sa nangyari si Angel?

May paliwanag dito ang kilalang abogado, law professor, at dekano ng Far Eastern University (FEU) law school na si Dean Mel Sta. Maria.

Walang maikakaso kay Angel Locsin. Walang krimen kung walang layuning kriminal. Wala rin kapabayaan sapagkat yung mesa at mga pagkain nahandoon lang para lapitan ng mga tao. Wala rin aksidenteng sanhi ng  aktibong kilos ni Angel Locsin. Sadyang walang kahit anong pananagutan si Angel Locsin. Walang sagutin ang isang nag-ayos lamang ng mga pagkain.

Sa isang mahabang Facebook post, ipinaliwanag niya ang kanyang analysis sa nangyari at sa sinasabing pananagutan daw ni Angel base sa batas.

“PARA MALINAW LANG NA WALANG PANANAGUTAN SI ANGEL LOCSIN. Sabi po ng iba criminal negligence daw ang pwedeng ikaso kay Angel Locsin. Mali po iyon. Ayon sa ating BATAS kriminal, ang reckless imprudence o ang simple negligence ay  nagmumula sa “ACT” ( Article 365 of the Revised Penal Code), sa ating wika — KILOS. Halimbawa, pawarde-warde kang mag-drive sa iskinita, negligent act iyon. Kung makabangga ka , mananagot ka kasi sa kilos o “Act” mo na pawarde-warde may napinsala. Naging pabaya ka  sa iyong mga kilos. Hindi ka naging maingat.  Ang ginawa lang ni Angel ( o ng mga kasama niya)  ay maghanda ng mesa  at lagyan ng food at iba pang goods ang mesa. Iyon ang kilos niya.  YUNG sumunod na pangyayari, kamukha ng pagpila ng mga tao, o may sumingit sa linya at medyo nagkagulo, HINDI Kilos o “Act” ni Angel iyon. Walang “Act” si Angel na pinagbuhatan ng napinsala o namatay.  Hindi siya mananagot under the Revised Penal Code. Sa pagpapatupad ng batas na criminal, it must  be strictly construed. Sabi ng batas, reckless imprudence is when a person “shall commit any ACT which, had it been intentional, would constitute” a crime. Ang paglalagay ng mesa at pagkain ay “Act” o kilos na  hindi crime.

“Sa usaping civil ( hindi criminal),  iba ang negligence. Tinutukoy nito “act or omission”, sa ating wika — kilos o walang kilos. Malinaw ito sa Article 2176 ng Civil Code.  Ibang iba sa criminal law. Madami ang nagkakamali, na-interchange nila ang criminal law at civil law. Hindi ko sila masisisi kasi baka hindi naman sila abugado.  Si Angel ba may “omission”  na pinagbuhatan ng kapinsalaan ng mga iba? ANG Sagot WALA rin. Sapagkat,  sa usaping “omission”, dapat alam mo ang promixate cause  na tinatawag — ito ang pinaka efficient cause ng pinsala.  Kung nagsapalaran ang isang taong pumunta sa lugar na hindi niya rin alam ang mangyayari,  nag-assume siya ng risk sa mga mangyayari doon. Wala ng kinalaman si Angel dyan. Hindi mapapanagot yung ibang tao na naglagay lang ng mesa at pagkain.   Yung mesa at pagkain na nilagay ni Angel, iyon ang nilalapitan. Masyadong malayo na panagutin si Angel sa lahat ng mga nangyari sa mga taong nagsapalaran  na pumunta  doon. Kung ganun ang interpretasyon, eh kahit kagat ng lamok ng nakapila, mananagot si Angel. Mali iyon. Absurd iyon.  Walang “omission” si Angel Locsin.

“Kaya sa batas, whether civil o criminal, walang pananagutan si Angel Locsin. Sana po malinawan ang kinauukulan.”

Panoorin dito ang kanyang komprehensibong paliwanag tungkol dito.

* * * * * * * * * * * * * * * * *

Please follow us on our social media accounts! 😍

Facebook: www.facebook.com/thepinoydaily

Twitter: www.twitter.com/thepinoydaily

Instagram: www.instagram.com/thepinoydaily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

error: Content is protected!