Hinangaan ng publiko ang isang initiative ng barangay council ng Ermitaño, San Juan City.
Nagtayo sila ng isang “free store” para matulungan ang ‘marginalized families’ na apektado ng pandemya.
Ito ay isang cash-for-work program kung saan kailangan lamang gumawa ng community service para makaipon ng points.
Ang nasabing points naman ay maaaring ipambili sa “free store” ng iba’t ibang grocery items gaya ng bigas, canned goods, noodles, at marami pang iba.
Kabilang sa mga community services ang pagwawalis ng kalsada, paglilinis ng sariling bakuran, at pagtulong sa iba pang gawain sa barangay.
Bilang panimula, ilang piling residente ang binigyan ng initial 500-point voucher.
Ang nasabing voucher ay maaaring gamiting pambayad sa EFS.
Pinapurihan ni Mayor Francis Zamora ang nasabing proyekto na nagpapakita ng espiritu ng bayanihan sa gitna ng kinakaharap nating pandemya sa kasalukuyan.
Nagbibigay ito ng dignidad sa mga San Juaneñong patuloy na nagsusumikap para itawid ang kanilang pamilya sa krisis na ating pinagdadaanan.
Tumatanggap rin ang EFS ng donasyon mula sa may kakayahang makapagbigay rin ng tulong.
Kabilang sa mga donasyon na maaaring ibigay ay ang karagdagang supply ng pagkain gaya ng bigas, canned goods, at maging damit at gamot.