Gusto ko po sana silang bigyan ng leksiyon, harapin po nila ‘yung ginawa nila sa akin para hindi na po ito pamarisan kung may iba pa pong gustong gumawa nito is matakot na po. Sa legal action na lang po tayo magharap.
Ito ang naging pahayag g delivery rider na si Marvin Ignacio matapos ang insidente ng aniya’y pananakot sa kanya ng dalawang barangay officials na muli niyang nakuhanan ng video sa kanyang Facebook Live noong April 1.
(Mapapanood ang nasabing video dito.)
Ayon sa kwento ni Marvin, sumugod ang mga nasabing lalaki para umano maghatid ng memo na nag-uutos ng pagpapasara ng Lugaw Pilipinas.
Ang Lugaw Pilipinas ang tindahan ng lugaw na nasangkot sa kontrobersiya sa isang viral video kung saan hinarang ng isang barangay official si Marvin nanoo’y magde-deliver lamang sana ng lugaw sa lugar.
Takot ang naramdaman ni Marvin sa paraan ng pakikipag-usap ng mga ito dahil tila siya pa ang pinagbubuntunan ng sisi ngayon sa kontrobersiya na idinulot ng viral video.
Ito ang dahilan kung kaya naman muli niyang idinaan sa isang Facebook Live ang nangyaring panunugod ng dalawa.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 117K views ang nasabing video at patuloy na umaani ng reaksiyon at komento mula sa mga netizens.
Kasunod nito ang paghingi ni Marvin ng tulong na noo’y balot ng takot para sa sariling kaligtasan.
Nai-report na umano ni Marvin sa pulisya ang pangyayari at naipa-blotter na ang nasabing insidente.
Desidido siyang magsampa ng reklamo laban sa mga kawaning barangay upang hindi na umano pamarisan ng iba ang mga ito.
As of this writing, wala pa ulit inilalabas na pahayag si Marvin ukol dito at sa nangyaring paghingi ng paumanhin ng mga sangkot na kawani ng barangay.
Matatandaang noong April 2 ay humarap sa publiko ang kapitan ng Brgy. Muzon na si Marciano Gatchalian, kasama si Phez Raymundo, at dalawa pang kawani ng barangay.
Si Phez ang babae sa viral video na nagsabing hindi umano ‘essential’ ang lugaw, at ang dalawang lalaki naman ay ang sinasabing sumugod kay Marvin na nakuhanan din ng video.
Humingi na ang mga ito ng paumanhin kay Marvin, maging sa may-ari ng Lugaw Pilipinas, at sa publiko.
Iginiit din ng dalawang lalaki na wala silang masamang intensiyon kay Marvin.
Sinabi rin ng mga ito na handa silang harapin ang anumang kaparusahang maaaring ipataw sa kanila dahil sa pangyayari.