Idinaan ng Kapamilya actress na si Liza Soberano sa isang tweet ang kaniyang pakikisimpatiya sa mga kababayang kailangan pa ring lumabas para maghanapbuhay sa kabila ng ipinaiiral na quarantine ngayong panahon ng pandemya.
Ang tanong pa niya, ganito na lamang ba kahirap ang ating bansa at hindi nito kayang tulungan ang mga naaapektuhang mamamayan?
Maraming netizens ang nakiayon sa tweet na ito ni Liza at nagkomento tungkol sa sitwasyon.
Ngunit tulad ng inaasahan, hindi lahat ay sang-ayon sa naging pahayag ng aktres lalo na sa sumunod nitong tweet.
Aniya, madali lang naman manatili sa bahay kung may perang panggastos ang mga tao.
Hindi rin niya maiwasang ikumpara ang sitwasyon natin sa sitwasyon sa America kung saan ang testing at pagbabakuna ay libre.
May ilang nagkomento ng negatibo at sinabing hindi dapat ikumpara ang Pilipinas sa United States.
Sabi pa ng isang nag-reply sa tweet niya:
you’re comparing our “poor” country to the first world country? lmao. Yes Liza, our country is too poor to feed every filipino’s mouth. So, don’t expect that much. I still do appreciate your compassion tho.
Sinagot naman ito ng aktres at muling nagtanong:
So what do we do? Just sit back and wait for a miracle to happen? Pray that cov*d just disappears. I believe God works wonders but I believe that he gives us the instruments to make that happen. Sad thing is the instruments/decision making are not in our hands.
Sa kabila ng malinis na intensiyon ng aktres sa kaniyang pagtu-tweet at pagtatanong, marami pa rin ang tila naging iba ang interpretasyon sa mga sinabi niya.
Pinakahulugan ng ilan ang tweets ni Liza bilang pagtuligsa sa gobyerno at sa naging tugon nito sa kalagayan ng bansa ngayong pandemya.
Agad din siyang dinagsa ng mga tagasuporta ng pamahalaan para ipagtanggol ang gobyerno.
Kabilang na dito ang kilalang masugid na tagasuporta ng administrasyon na si Jam Magno.
Personal ang naging atake nito sa aktres at nagsabing:
Kahit ‘yung mismong apektado, walang pake sa pinaglalaban mo. Nakakatawa na nakakaawa ang maging maganda pero tang*.
Sumang-ayon naman dito ang ilan pang tagasuporta ng administrasyon at ang ilan ay nagsabi pa ng iba pang negatibong mga salita laban kay Liza.
Tila hindi naman alintana ni Liza ang mga negatibong komento at nagsabing:
She doesn’t know me, definitely doesn’t know my story. I’m not affected by her. Don’t be upset 😘
Agad din namang dumagsa ang mga tagahanga at tagasuporta ng aktres upang ipagtanggol siya.
Kilala si Liza bilang vocal sa kaniyang mga opinyon at paninindigan.
Ilang beses na rin siyang naging biktima ng bashing dahil sa matapang nitong mga pahayag kaugnay ng mga issues sa bansa.