Kinaaaliwan ngayon sa Facebook ang isang post tungkol sa “unlimited balut” na tinda sa Cebu City.
Sa post ni Shabey Villarante, makikita ang ilang larawan na may caption na:
“UNLI BALOT FOR ONLY 100PESOS!!! ARAT NAAA!”
Maraming netizens ang natuwa sa pakulong ito dahil nga naman sa halagang 100 pesos, maaari ka nang kumain ng balut hanggang kaya mo. Wantusawa, ika nga.
May ilan namang netizens na nagbabala at nagpaalala na hinay-hinay lang sa pagkain ng balut dahil nga mayaman ito sa cholesterol na maaaring makasama sa kalusugan kapag nasobrahan.
Idinaan pa nga sa biro ng isang netizen ang kaniyang paalala at nagsabing:
”Sa halagang 100 pesos, mapapa-goodbye Philippines, goodbye world ka na hahaha. Hinay-hinay lang po sa pagkain ng balut, mataas po iyan sa cholesterol.”
Narito ang ilan pang nakakatuwang komento mula sa nasabing post:
”Patibayan pala ito ng blood pressure saka batok. 150 pesos with free ride to emergency!”
“Naku, dapat po may nakahanda na kayong mga gamot, ointment, at first aid kit kasi baka tumimbuwang na lang ang customer ninyo hahaha, mas mahal pa ang ibabayad ninyo sa hospital kapag nagkataon.”
“Parang lugi ka pa, kasi maka-tatlo ka pa lang, tiyak na putok-batok ka na. Kailangan yata may ambulansya diyan.”
As of this writing, mayroon nang 22K shares ang nasabing Facebook post.
Ikaw, papatusin mo ba ang kakaibang promo na ito?