Sentro ng usap-usapan ngayon sa social media ang tweet ng kilalang content creator at blogger na si Rod Magaru na tila may kinalaman sa ABS-CBN network.
OMG WOW! Another one! #SOON ❤️💚💙
Wala mang clues na binanggit, naging clue para sa mga netizens ang red, green, at blue heart na madalas gamitin sa social media bilang simbolo ng ABS-CBN.
Naging excited tuloy ang mga netizens at nagbigay ng kani-kaniyang hula kung ano ang “another one” na tinutukoy sa tweet.
May mga agad na nagsabing mukhang may isa na namang TV channel ang pagpapalabasan ng mga ABS-CBN shows.
Matatandaang nakipag-partner ang ABS-CBN sa iba pang TV stations para sa pagpapalabas ng Kapamilya shows sa free TV at cable.
Una na riyan ang partnership ng ABS-CBN at Zoe Broadcasting Network noong October 2020.
Dahil sa blocktime agreement sa pagitan ng dalawa ay napapanood ngayon ang ilang Kapamilya shows sa A2Z Channel 11.
Noong namang January 2021, nagsimula na ring iere sa TV5 ang dalawang Kapamilya shows na ASAP Natin ‘To at FPJ: Da King.
Dahil din sa blocktime agreement ng ABS-CBN at TV5, simula nito lamang Marso ay napapanood na rin sa Kapatid network ang Primetime Bida o mga teleserye ng Kapamilya network.
Sa kabila ng kawalan ng franchise ng ABS-CBN, hindi pa rin ito tumitigil na humanap ng paraan para patuloy na mapanood ng mga avid viewers nila.
Ito rin marahil ang dahilan kung kaya karamihan sa mga Kapamilya fans ay naging excited sa ‘pasabog’ ng nasabing tweet.
Isang Kapamilya fan account ang nagkomento sa nasabing tweet at ni-reply-an ni Rod Magaru.
Ang sabi niya:
You might gonna have to update your profile bio soon. 🙂
Kung pupuntahan ang profile bio ng nasabing fan account, makikita ang description na ito:
Mapapanood ang mga Kapamilya programs sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, A2Z Channel 11, at TV5.
Napaisip tuloy ang mga Kapamilya fans na posible ngang madagdagan pa ang channel o platform na pinagpapalabasan ng mga ABS-CBN shows sa kasalukuyan.
Agad tinukoy ng mga fans ang BEAM TV oBroadcast Enterprises and Affiliated Media, Inc. (BEAM).
Ang BEAM ay ang telecommunications company na pagmamay-ari ng Betlehem Holdings, Inc., isang media investment company ng Globe Telecom.
May katotohanan nga kaya ang hula ng mga Kapamilya fans?
Hangga’t wala pang official announcement mula sa network, hindi pa rin naman kumpirmado ang balitang ito.