10 Controversial and banned Filipino advertisements

Narito ang ilan sa mga Filipino commercials o advertisements na naging kontrobersiyal noong mga kapanahunan nila.

Ang ilan dito ay naging banned pa sa telebisyon at napilitan pang matigil sa pag-ere dahil na rin sa kontrobersiya.

McDonalds’ Dada Commercial

Kung batang 90s ka, malamang ay pamilyar ka dito.

Mukhang inosente naman sa simula pero kapag pinag-isipan mo nang mabuti, mapapasabi ka na lang ng, “Teka, parang may mali nga.”

Makikita sa 2002 commercial ang isang mag-anak na masayang kumakain sa McDo.

Tatay. Nanay. Anak na babae.

Tinatanong ng tatay ang anak na babae kung kanino ito nagmana ng mata, ilong, etc.

Sa bawat tanong, ang sagot ng bata ay, “Dada.”

Ang ending, makikita sa ilalim ng mesa ng inaabutan ng tatay ng isang pirasong french fries ang bata bilang suhol para piliin siya nito bilang sagot.

Naging kontrobersyal ang TV ad na ito nang mapukaw ang atensiyon nina dating Sen. Juan Flavier at Sen. Manny Villar.

Bagama’t “cute” tingnan, tila nagpo-promote ito ng bribery at dishonesty — mga hindi magagandang halimbawa sa publiko lalo na sa mga bata na pangunahing target market ng mga fastfoods.

Naunaawaan naman ng McDo ang sentimyento ng mga mambabatas kung kaya’t na-pull out ang commercial na ito sa telebisyon.

LBC’s Spelling Bee

Lumabas ang 3-part TV commercial na ito noong kasagsagan ng kasikatan ni Edu Manzano bilang host ng game show na Game KNB? noong 2009.

Spelling Bee’ ang naging tema ng ad kung saan ang mga salitang kailangang i-spell out ng mga kid contestants ay ‘remittance,’ ‘affordable,’ at ‘instant.’

Mukhang ayos naman, kaso sa halip na ang tamang spelling ng mga salita ang isagot ng mga contestants ay ‘capital L-B-C’ ang isinagot nila, at idineklarang tama at panalo sila!

Inireklamo ito ng Department of Education at sinabing nang-eengganyo ito ng maling spelling sa mga estudyante.

Nanghingi naman ng paumanhin ang LBC at inalis ang nasabing TV ad.

KFC’s #ChickenSad

Kung ‘Chickenjoy‘ fan ka, siguradong natatandaan mo pa nang magkaroon ng tinatawag na ‘chicken crisis‘ ang Jollibee noong 2014. Ilang linggo ring pansamantalang nawala sa menu nila ang Chickenjoy at iba pang items.

S’yempre, bilang competitor, nakita ng KFC ang pagkakataon na gamitin ang sitwasyon para mas i-promote ang “finger lickin’ good” chicken nila.

PHOTO: KFC

Ayun nga lang, hindi naging maganda ang dating nito sa ilan kaya’t nagdesisyon na lang ang KFC na alisin ito sa kanilang mga social media pages.

EQ Diaper’s Lapu-Lapu

Pamilyar ka naman siguro kina Lapu-Lapu at Ferdinand Magellan?

Ang mga historical characters na ito ang tila napaglaruan ng creative minds ng EQ Diaper noong 2013.

Sa TV ad na ito, ipinakitang ang nagsimula ang away ng dalawa nang hindi magustuhan ni Lapu-Lapu ang diaper na alay ni Magellan para sa kaniyang anak.

Ayun, nag-react s’yempre ang National Historical Commission at ang mga taga-Lapu-Lapu.

Ang ending, ipinatigil ang pag-ere ng nasabing ad.

Colt 45’s Vava-Vroom Real Man Promo

Commercial ito ng promo ng Colt 45 noong 2010 kung saan ang lucky winner ay magkakaroon ng chance na makasama ang sexy star na si Christine Reyes sa isang weekend getaway.

Hindi ito nagustuhan ng Philippine Women Commission. Tila pangmamaliit daw sa kababaihan ang tema nito dahil ginawang premyo sa isang promo ang isang babae.

Dahil dito, nagkaroon ng edited version ang nasabing commercial.

Napoleon Quince’s “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?”

Pinag-usapan ang billboard na ito ng Napoleon Quince noong 2004.

Ang ginamit kasing tagline dito ay, “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?

Marami ang naeskandalo dahil dito at umapela sa Advertising Board of the Philippines para ipalis ang nasabing mga billboard.

Sa halip na sumunod, nagsampa pa ng kaso ang kompanya laban sa Advertising Board at umabot hanggang Supreme Court. Unfortunately, natalo sila sa kaso.

Nice Day! Coffee’s Commercial

Masyadong ‘provocative‘ ang 2014 commercial na ito na tinampukan ng sexy star na si Ellen Adarna.

Sobrang mapang-akit ng mga poses niya gayundin ang mga shots o anggulo kaya naman hindi ito naapruban na maipalabas sa telebisyon.

T-Bar’s “Sexy Girl Fight”

Dalawang babae. Sexy ang suot. Naghahabulan. Naghuhubaran. Tila nag-aaway.

Siguro naman alam mo na kung bakit banned din itong 2012 commercial na ‘to.

BayanTel’s Satisfaction Guarantee

Babae. Semi-naked. Nakatingala. Mukhang ‘satisfied.’ Tapos may nakasulat na “Satisfaction Guarantee.”

Di ko na rin ilalagay dito ‘yong picture ng 2006 billboard na ito. Alam mo naman na kung bakit.

Pero inpeyrnes naman sa BayanTel, pinalitan nila agad ito ng larawan ng batang satisfied sa pagkain ng ice cream.

From sexually-implicit to wholesome real quick.

McDonald’s BF-GF commercial

Girl: Girfriend mo na ba ako?

Boy: Ayoko nga. Di pa ko ready eh.

Girl: Ha?

Boy: Demanding ang mga girlfriends. Gusto ganito, gusto ganyan. Ewan!

Girl: Gusto ko lang naman ng McDo fries.

Mga bata ‘yang nag-uusap na ‘yan ha.

Umapela tuloy ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP kaya tuluyang itinigil ang pag-ere ng nasabing 2011 commercial.

Nag-react ang publiko dahil wala naman daw malisya sa commercial at nakadepende na lang sa interpretasyon ng manonood ang kahulugan nito.

* * * * * * * * * *

Maging una sa mga showbiz updates at iba pang trending at  viral issues by following us on our social media accounts!

Facebook: https://www.facebook.com/thepinoydaily

Twitter: https://twitter.com/thepinoydaily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

error: Content is protected!