Hinangaan ang katapatan ng isang tricycle driver matapos itong magsauli ng kalahating milyong piso na naiwanan ng kaniyang pasahero.
Sa ulat ni Sandy Amaro sa Bandilyo, nakilala ang huwarang tricycle driver na si Niño Clor na taga-Lucena City.
Hindi nagdalawang isip si Niño na ibalik ang bag na naiwanan ng isang pasahero.
Ang bag pala ay naglalaman ng malaking halaga ng pera na umaabot ng kalahating milyong piso.
Napag-alaman na ang nagmamay-ari pala ng nasabing bag ay isang negosyante na taga-Polilio, Quezon, at ang malaking halaga ay napagbentahan ng kopra.
Laking pasasalamat ng negosyante sa kabutihang-loob at katapatan ni Niño na hindi nasilaw sa salapi.
Dahil sa pagiging magandang ehemplo, binigyang-parangal ng Sangguniang Barangay ng Cotta, Lucena City si Niño at inabutan ng PHP5,000 bilang pasasalamat.
Maliban sa natanggap na pagkilala, malaking bagay para kay Niño ang pagsaludo at pagmamalaki sa kaniya ng kaniyang mga ka-baranggay, kaibigan, at lalong-lalo na ng kaniyang pamilya.