Ikinagulat ng mga tagahanga at tagasubaybay ng GMA-7 show na Wowowin ang official statement ng network tungkol sa kontrata ng host ng show na si Willi Revillame.
Ayon sa GMA Network, magtatapos na ang kontrata ni Willie sa February 15, at magpapaalam na sa ere ang Wowowin sa February 11.
Narito ang kabuuan ng nasabing pahayag.
”Willie Revillame’s contract with GMA Network is set to end on the 15th of this month.
”His show Wowowin will air until Friday, February 11.
”We wish him good luck in his future endeavors.”
As of this writing ay wala pang pahayag mula naman sa kampo ng TV host.
Kasunod ng balita ng pagtatapos ng kontrata nito sa Kapuso network ay ang paglutang ng mga usap-usapan na paglipat nito sa bagong network ni Manny Villar.
Kamakailan lamang ay nabalita na binigyan ng National Telecommunications Commission (NTC) ng temporary permit ang Advanced Media Broadcasting System, Inc. (AMBS) na gamitin ang dalawa sa channels na dating ginagamit ng ABS-CBN — ang Channel 2 at Channel 16.
Sa naging pahayag ng NTC, kinumpirma nito na binigyan ng provisional authority ang AMBS para sa paggamit ng dating frequencies ng ABS-CBN.
Ang Channel 2 ay ang dating gamit ng ABS-CBN sa analog TV at ang Channel 16 naman ay dati nilang gamit sa digital TV.
Ang AMBS ay pagmamay-ari ng multi-billionaire na si Manny Villar.
Kilala bilang malapit na kaibigan at kasosyo sa negosyo ni Willie si Manny kung kaya naman lumutang ang balitang paglipat ni Willie sa istasyon ni Manny.
Napabalita rin na magsisimula na ang test broadcast ng nasabing istayon ni Manny sa February 14, Lunes.
Kabilang sa lumutang na bulung-bulungan na isa ang show ni Willie sa magiging flag carriers ng bagong network.
Sa kabila ng mga balitang ito, at kahit na ilang araw na lang at magsisimula na ang sinasabing test broadcast, ay wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ng AMBS.
Inaabangan naman ng mga masugid na tagasubaybay ng programa ni Willie ang huling araw ng show nito sa GMA kung magkakaroon ito ng special announcement tungkol sa susunod na tatahaking landas ng TV host.