Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsalita na si Vice Ganda tungkol sa pag-alis ng It’s Showtime director na si Bobet Vidanes.
Matatandaang bago natapos ang taong 2020 ay tuluyan na ngang iniwan ni Direk Bobet ang It’s Showtime para lumipat sa katapat na show na Lunch Out Loud ng TV5.
Mula nang lumabas ang balitang ito ay nanatiling tahimik ang hosts ng It’s Showtime tungkol sa nasabing usapin.
Sa YouTube vlog ni Vice kagabi, February 7, ay nagkwento na siya tungkol sa naramdaman niya sa pang-iiwan sa kanila ng itinuring nilang tatay-tatayan sa programa.
“Siyempre nagulat, wala namang nakakaalam. Hindi ko alam kung walang nakakaalam. Hindi ko alam kung alam n’yo or hindi kasi ako personally, hindi ko alam.”
Sinubukan din daw niyang mag-text kay Direk Bobet para man lamang mapag-usapan nila ang nakakagulat na desisyon nito na umalis ng programa.
“Tinext ko siya na usap kami para lang maintindihan ko, ‘di ba? Hindi niya ako sinagot.
“Para alam ko man lang or alam man lang natin or isa man lang sa atin ang may alam ng totoong rason.
“Kasi ‘yung rason, ‘yun ‘yung sinabi niya sa management pero ‘yung personal, wala naman siyang kinausap sa atin ‘di ba?
Iba’t iba ang naging reaksyon ng mga avid viewers ng show o ‘madlang people’ sa naging desisyon na ito ni Direk Bobet.
Nangyari kasi ito sa panahong walang prangkisa ang ABS-CBN at kasalukuyan pa lamang na unti-unting gumagawa ng paraan para makabangon sa naging epekto ng shutdown ng network.
“Nakakagulat lang, parang after 11 years, ganun lang pala iyon.
“Kung meron man tayong bahagi doon sa dahilan niya para umalis, sana nalaman man lang natin.”
“Kung ano man ang dahilan niya, sana napag-usapan. Kung talagang family tayo, baka kung napag-usapan, baka nagawan ng paraan. Baka natulungan natin ang isa’t isa.
“Kung may pinagdadaanan siya noon, baka nakagawa tayo ng paraan.
“Ang plastic kapag sinabi kong hindi ako na-offend.
“Naloka din ako. Ano ‘yun? Ganoon lang? Walang sabi-sabi? After 11 years?
“Nanggaling pa ‘yun sa anniversary na meron pa tayong mga chikang walang iwanan kahit anong mangyari.
“Sa opening ‘di ba may ganun tayo? Tapos a few days after the anniversary, biglang maririnig ko. Anong nangyari sa pangako?”
Si Direk Bobet ang nag-conceptualize ng It’s Showtime at naging direktor nito mula noong una itong umere noong 2009.
“Nakiusap ako sa inyo lahat na tulungan n’yo ako na pigilan natin siya.
“Kasi siyempre kung meron naman tayong pipiliing director, wala naman tayong pipiliin kung hindi siya.
Siyempre tatay nga. Ipagpapalit mo ba ‘yung tatay mo kahit hindi kayo magkasundo?
“Kinalakihan ko na ‘yung ‘Showtime’ na siya ‘yung tatay ko. Kaya hangga’t maaari, kaya nakiusap ako sa inyong lahat na pigilan niyo.”
Ngunit sa kabila ng lahat ng nangyari, ang hiling pa rin ni Vice ay ang kabutihan ng kalagayan ni Direk Bobet sa ngayon.
“Sana okay siya kung ano man ang kinahinatnan ng decision niya. Sana okay siya.”