Grupo ng binansagang “Itlog Queen”, ipinagtanggol ni Raffy Tulfo

Nag-viral kamakailan sa social media ang grupo ng isang kababaihan na nakuhanan ng video na nanlimas ng laman ng isang community pantry sa Kapitloyo, Pasig City.

Kumalat ang CCTV footage na ini-upload ng organizer ng nasabing community pantry na si Carla Quiogue.

Maliban dito, isang video pa ang kumalat na umano’y kinuha naman at ini-upload ng isang tricycle driver sa lugar.

Humarap naman sa publiko sa pamamagitan ng TV interviews ang grupo ng ngayo’y binansagan ng mga netizens na “Itlog Queen” upang ibigay ang panig nila tungkol sa pangyayari na nakuhanan ng video.

Katwiran nila, nagpaalam naman sila sa barangay tanod at sa may-ari ng community pantry bago sila kumuha ng mga supplies.

Aminado rin sila na ang pagkakamali nila ay sinimot nila ang supplies kabilang na ang dalawang tray ng itlog na binitbit ni Maricar Adriano na ngayon nga ay tinatawag nang “Itlog Queen” sa social media.

Sinabi rin nila na ipinamahagi nila sa kanilang mga kapitbahay ang mga pagkaing kinuha nila.

Pinatotohanan naman ito ng ilan sa kanilang mga kapitbahay.

Kasabay ng paliwanag nila ng kanilang panig ay ang paghingi rin nila ng paumanhin.

Ngunit dahil sa pagkalat ng video sa social media at pagiging trending topic nito, bumaha ng mga negatibong komento mula sa mga netizens.

Kumalat na rin ang iba’t ibang memes tungkol sa kanilang mga larawan.

Dumagsa rin ang pamamahiya at pang-aalipusta sa grupo ng mga babae.

Ayon sa isang report, dumulog na sila sa barangay hall upang humingi ng tulong ukol sa bashing at pamamahiya na nakukuha nila mula sa social media.

Nais din nilang sampahan ng reklamo ang tricycle driver na umano’y kumuha ng video at nag-upload ng viral video sa social media.

At ngayon nga, dumulog na sila sa programa ni Raffy Tulfo upang humingi ng saklolo.

PHOTO: News5Everywhere

Binigyang-diin ng grupo ni Maricar na tanggap nila ang kanilang pagkakamali na limasin ang community pantry.

Ito raw ang dahilan kung bakit nanghingi na sila ng paumanhin.

Ngunit sa kabila nga nito, patuloy ang pang-aalipusta na natatanggap nila mula sa publiko.

Ang ilan pa nga rito ay pagbabanta sa kanila at ilan pang mga hindi magagandang salita.

Dahil dito, desidido si Tulfo na tulungan ang grupo ni Maricar.

Batid rin ni Tulfo na may mga kontra sa gagawin niyang pagtulong ngunit sobra na raw na umabot pa sa punto na pagbabantaan ang grupo ng mga babaeng ito.

I will stand by my principle na ‘pag dito may naapi, tutulungan ko. Dahil dito, nakita ko sumusobra na, tama na.

Lusot ang organizer ng community pantry na siya ring nag-upload ng CCTV footage sa social media dahil wala naman raw siyang sinabing masama sa post niya.

Ngunit sa mga netizens na nagkokomento ng masasakit at masasamang salita, maaari raw silang kasuhan ng cyber libel at grave threat ayon sa isang abogado.

Panoorin ang kabuuan ng video ng News5Everywhere dito.

* * * * * * * * * * * *

Please follow us on our social media accounts! 😍

Facebook: www.facebook.com/thepinoydaily

Twitter: www.twitter.com/thepinoydaily

Instagram: www.instagram.com/thepinoydaily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

error: Content is protected!