Viral sa social media ang isang post tungkol sa isang 75-taong gulang na lola na hindi nagdalawang-isip na i-donate sa community pantry ang kanyang itinitindang bitso-bitso.
Sa Facebook post ni Lors Langoey MI, ibinahagi niya ang larawan ng isang tindera ng bitso-bitso sa Barangay Banago, Bacolod City.
Sa kwento niya, pumunta sa community pantry ang tindera na nakilalang si Estrella Arsenal o mas kilala sa tawag na Tyay Thelma upang makakuha ng pagkain.
Nagpaalam umano ito sa mga organizers ng community pantry kug maaari bang kumuha ng pagkain.
Sinabi naman umano ng mga organizers na pwedeng-pwede, basta kukuha lang nang naaayon sa pangangailangan nito.
Kumuha umano si Tyay Thelma ng isang supot ng bigas, isang pirasong mansanas, isang instant noodles, isang tuyo, tatlong itlog, at ilang gulay.
Pagkakuha nito ng mga kailangan ay inilabas niya ang mga panindang bitso-bitso at iniayos sa mesa ng community pantry.
Sinabihan siya ng mga organizers na ayos lang kahit huwag na niyang ilagay doon ang paninda niya, ngunit nagpumilit pa rin umano siya na i-donate na lang ang kanyang mga paninda.
Sinabi umano niya na nagtitinda siya para may panggastos sa maghapon, at ngayong nakuha na niya sa comunity pantry ang pangangailangan niya sa maghapon, gusto rin niyang makatulong naman sa kapwa.
Agad nag-viral ang nasabing Facebook post at humakot ng mga komento mula sa netizens.
As of this writing, mayroon nang 257K shares ang nasabing post.
Ayon sa report ng ABS-CBN News, ginusto talaga ni Tyay Thelma ang makatulong sa kapwa.
Halagang PHP300 daw ang ipinamigay niyang bitso-bitso mula sa kanyang paninda, kasama na rin ang ilan pang gulay.
Hinangaan ng publiko ang ginawa niya dahil sa kabila ng pagagagamot niya sa karamdamang UTI at high blood ay mas pinili pa rin niyang makapagtrabaho at makatulong na rin sa kapwa.