Nakarating na sa programa ng batikang brodkaster na si Raffy Tulfo ang issue ng lugaw na kamakailan ay naging sentro ng isang viral video sa Facebook.
Sa episode ng programang Raffy Tulfo in Action noong April 7, nakapanayam ni Raffy ang food delivery rider na si Marvin Ignacio, at ang may-ari ng Lugaw Pilipinas na si Mary Jane Resurreccion.
Matatandaang nag-ugat ang issue noong March 31 sa isang Facebook Live video na ini-upload ni Marvin kung saan nakuhanan ang pagdidiskusyon sa pagitan niya at ni Phez Raymundo, isang kawani ng Brgy. Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan.
Sa video na ito, makikita ang pagpupumilit ni Phez na hindi maaaring payagan ang delivery ng lugaw sa lugar dahil hindi umano ito ‘essential.’
Nag-viral ang nasabing video at umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa publiko.
(Panoorin ang nasabing viral video dito.)
Naglabas din agad ng pahayag ang Malacañang sa pamamagitan ng presidential spokesperson na si Harry Roque na nagsabing hindi dapat hinaharang at pinipigilan ang delivery ng food items 24/7.
A video, which has been circulating online, has come to our attention. Lugaw or any food item for that matter, is considered an essential good. Delivery of food items must remain unhampered 24/7.
Sa kabila ng lahat ng ito, nagkaroon pa rin ng engkwentro sa pagitan ni Marvin at ng dalawa pang kawani ng barangay na sumugod umano sa Lugaw Pilipinas upang ihatid ang memo na nag-uutos ng pagpapasara nito.
Ito ang pinag-ugatan ng takot ni Marvin kung kaya’t naisipan niyang mag-post muli sa Facebook upang humingi ng tulong.
Sana po matulungan ninyo kami. Pinagiinitan na naman ‘yung Lugaw Pilipinas. May nagpunta po doon, tama po ba ‘yun? Pasensya na po ha, kasi natatakot talaga ako… Baka saktan nila ako kasi ang tatapang nila eh.
Kahina-hinala ‘yung galaw nila. Wala silang kasamang barangay tanod, wala silang mobile. Naka-motor lang talaga sila, tapos ang gusto nila isara ‘yung tindahan kasi mayroon daw silang memo na pinapakita.
Natatakot talaga ako eh. Kaya nag-live po agad talaga ako kasi baka po saktan nila ako ang tatapang nila eh.
(Panoorin ang video dito.)
Kinabukasan, April 2, humarap sa publiko si Kapt. Marciano Gatchalian upang humingi ng paumanhin sa publiko ukol sa nangyaring hindi pagkakaunawaan sa kanyang nasasakupang lugar.
Iniharap din niya sa publiko si Phez, ang babaeng nasa viral video, at ang dalawa pang kawani ng barangay na sumugod umano sa Lugaw Pilipinas.
Humingi ang mga ito ng paumanhin kay Marvin, sa may-ari ng Lugaw Pilipinas, at maging sa publiko.
Itinanggi rin ng daldawang lalaki na may balak silang i-harass o saktan si Marvin.
Sa kabila ng lahat ng ito, nabanggit ni Marvin sa isang interview na balak pa rin niyang ituloy ang pagsasampa ng reklamo laban sa dalawang barangay officials dahil sa takot na nararamdaman.
Sa interview naman ni Raffy Tulfo, nilinaw ng assistant city administrator ng San Jose Del Monte na si Atty. Rizaldy Mendoza na pinapayagan ang operasyon ng mga tindahan ng pagkain kahit oras na ng curfew basta’t sarado ito physically at tatanggap lamang ng order online at thru food delivery services.
Nabanggit din ng kapitan ng barangay na suspendido na ang tatlong kawani na nasangkot sa isyung ito.
Bagama’t nagkaroon na ng linaw, nagdesisyon na ang may-ari ng lugawan na si Mary Jane na mananatili na lamang sarado ang kanilang tindahan at lilipat na lamang ng ibang lugar.
Ito ay sa takot na idinulot sa kanya ng nasabing insidente.
(Panoorin ang buong episode ng Raffy Tulfo in Action dito.)