Hinahangaan ngayon sa social media ang nakaka-inspire na kwento ng tagumpay ni John Ebreo.
Tubong Sariaya, Quezon ang dalawampu’t anim na taong gulang na si John.
Isang kusinero sa barko si John at dahil sa kaniyang diskarte, sipag at tiyaga, nakapagtayo na siya ng isang gasolinahan sa loob lamang ng anim na buwan.
Suportado siya ng kaniyang mga magulang sa kaniyang pangarap na maiahon ang kanilang pamilya. Kaya naman ibinenta ng kaniyang ama ang sasakyan nito upang maipandagdag sa pagsisimula ng kanilang negosyo.
Nangako naman si John na reregaluhan niya ang ama ng bagong sasakyan sa ika-60 nitong kaarawan bilang kapalit ng ginawa nitong sakripisyo.
Ngunit hindi pa man dumarating ang 2022 ay naibili na rin agad niya ng regalong sasakyan ang ama.
Naniniwala si John na gaya ng itinuro ng kaniyang mga magulang, kailangan niyang maging madiskarte sa buhay.
Batid niya na hindi habambuhay ang pagbabarko kung kaya pinaghahandaan na niya ang kinabukasan niya at ng kaniyang pamilya.
Habang bata pa siya, at habang maaga pa, natutunan niya ang pag-iwas sa bisyo upang mas makaipon.
Tunay nga namang nakakabilib ang kwento ng kaniyang diskarte at pagpupursige sa buhay.