Sa kaniyang YouTube vlog, ibinunyag ng talent manager na si Ogie Diaz na may mga former Kapamilya stars na hindi na ulit tatanggapin ng ABS-CBN sakaling magkaroon na ulit ito ng prangkisa.
Naibahagi niya ang kaniyang opinyon sa kasagsagan ng usapin ng franchise bill na planong ihain ni Senate President Tito Sotto, na papangalawahan naman sa lower house ni Congresswoman Vilma Santos.
Matatandaan na noong kainitan ng usapin ng ABS-CBN shutdown hanggang sa tuluyan na ngang mawalan ng prangkisa ang network, may ilang mga Kapamilya artists ang nagdesisyong lumipat na ng network.
Sa kasalukuyan ay hindi na nga mabilang ang mga dating ABS-CBN talents na napapanood sa mga kalabang istasyon.
Kaugnay nito, natanong si Ogie sa kaniyang vlog kung ano ang posibleng mangyari sa mga former Kapamilya stars na ito.
Ang alam ko pag nandun ka na, kunwari nabigyan ulit ng prangkisa ang ABS-CBN, tapos andoon sila sa TV5 o sa GMA 7 at may show pa rin sila, eh ‘di dun sila. Pero yung kakatok ulit sa ABS-CBN, siyempre ako ha, kilala ko ‘yong mga bossing ng ABS-CBN, kung may asim ka pa, tatanggapin pa rin kita.
Ibang usapan na diumano ang mga artista na nagbitiw na ng mga hindi magagandang salita laban sa network.
Pero kung nagpakawala ka ng hindi magandang salita against sa ABS-CBN, mamarkahan ka nila. Kasi kung ayaw mo sa amin, eh bakit pa tayo magtratrabaho kung ayaw mo sa amin, ‘di ba? Eh ‘di diyan ka na lang sa gusto mo.
Ayon pa sa kaniya, may ilang former Kapamilya stars at production staff na siguradong hindi na makakabalik pa sa ABS-CBN.
Meron akong mga listahan ng mga tao na parang hindi makakabalik sa ABS-CBN. May mga artistang binanggit sakin na hindi na makakabalik sa ABS-CBN. Meron ding mga staff o production staff na hindi rin makakabalik sa ABS-CBN.
Naiintindihan naman daw ng network kung talagang kinailangang lumipat ng ilang talents para sa trabaho. Pero may mga ilan kasi na basta na lamang lumipat nang walang paalam man lamang.
May ilan din namang nanatiling tahimik at tila hindi ipinagtanggol ang ABS-CBN noong mga panahong kailangang-kailangan nito ng suporta ng kanilang mga talents.
Sino-sino kaya ang mga ito? Sino sa tingin n’yo?
Panoorin ang buong vlog ni Ogie dito.