Pinagsisisihan daw ng aktor na si Aljur Abrenica ang kontrobersiyal niyang Facebook post laban sa dating asawa na si Kylie Padilla.
Matatandaang isang mahabang post ang ginawa niya noong October 19 kung saan naglabas siya ng saloobin hinggil sa nangyaring hiwalayan nila ng aktres.
Pinaratangan pa niya si Kylie na ito ang unang nangaliwa at sumira ng kanilang pamilya.
Hinamon pa niya ito na magsalita na at magsabi ng totoo sa publiko.
As of this writing ay burado na ang nasabing post.
Aminado naman si Aljur na may pagkakamali rin siya sa nangyari.
Ngunit naglabas lamang umano siya ng saloobin dahil hindi na niya kinaya ang matinding batikos na natanggap mula sa publiko.
Marami kasing netizens ang bumatikos sa kanya at sa napapabalitang karelasyon niya ngayon na si AJ Raval.
Sa isang presscon ngayong araw, October 23, ay nagpaliwanag si Aljur tungkol sa nasabing post.
“Well, I’m not proud sa nangyari. The reason why na nagawa ko iyon… out of impulse.”
“Kasi I felt like nasadsad na ako, e, natulak… lubog na ako, nabugbog na ako.”
“So, it was not my intention na maglabas ng ganoong post. Pero naramdaman ko talaga na kailangan na kasi.”
Naudyok lamang daw siyang mag-post ng kanyang panig dahil sa matinding batikos na natatanggap.
Sinabi pa ni Aljur na itinuturing niyang “love of my life” si Kylie.
“I can still say na she was the love of my life. Talagang minahal ko ang babaeng iyon.”
Dagdag pa niya, maging siya ay apektado sa tuluyang pagkasira ng kanilang pamilya.
“I value our family more than anything. So, I was really affected nung nangyari iyon.”
Sana raw ay igalang pa rin ang pagnanais niyang huwag nang pahabain pa ang isyu.
“Pamilya ko pa rin sila. May pagkakamali din ako. At for the sake of our children, si Alas and Axl, gusto ko lang matapos ito.”
“She’s still the mother of my children. May pinagsamahan pa rin kami. I will never forget that. Pinagpapasalamat ko iyon.”
Pakiramdam daw niya ay nasabi na niya ang gusto niyang sabihin.
Ayaw na raw niyang pahabain pa issue at nakiusap sa press para sa kanilang pang-unawa.
“Nasabi ko na lahat ang gusto kong sabihin. Hindi ko na siya gusto pang i-elaborate dahil pamilya ko pa rin sila.”