Hello, Philippines! Hello, World!
Pormal na ngang binuksan kagabi ang pinakasikat na bahay sa Pilipinas — ang Pinoy Big Brother (PBB) house. Ito ay sa pagsisimula ng pinakabagong season ng PBB na tinawag na PBB Connect.
Nagsimula ang pagsalubong sa ika-siyam na season ng PBB sa isang masigla at makulay na opening number na pinangunahan nina Kim Chiu at Maymay Entrata, na parehong big winners sa magkaibang PBB seasons na sinalihan nila.
Inawit nina Kim at Maymay ang theme songs ng ilan sa mga nakalipas na seasons. Kabilang na dito ang Pinoy Ako mula sa pinakaunang season, at ang Connected Na Tayo na theme song ng kasalukyang season. Kasama nilang kumanta nito ang mga dating housemates na sina Kiara Takahashi, Shawntel Cruz, Jem Macatuno, Lie Reposposa, at Gino Roque IV na sila ring sumulat ng nasabing theme song.
Nagpakitang-gilas din ang MNL48, Bini, at Starhunt Academy Boys.
Pinangunahan naman ni Bianca Gonzales ang pagwe-welcome sa harap ng pinakasikat na bahay sa bansa.
Kapansin-pansin na absent ang PBB main host na si Toni Gonzaga na ayon kay Bianca ay mayroong special task nang mga oras na iyon.
Sinamahan si Bianca ng mga kagaya niyang former PBB housemates din na sina Kim, Maymay, Robi Domingo, Melai Cantiveros, Enchong Dee, at Richard Juan.
Isang dosenang housemates ang nakatakdang salubungin nang gabing iyon.
Nanguna sa listahan ang dalawang housemates na naging top earners sa livestreaming sa Kumu app. Ito ay ang Shy Biker Boy ng Butuan na si Kyron, at ang Single Momshie-kap ng Bataan na si Mika.
At bilang unang housemates na nakapasok sa loob ng bahay ni Kuya, itinalaga rin sila bilang heads of household. Ang special task nila ay ang pagpili ng unang tatlong housemates na nominated for eviction sa gabi mismong iyon. Mangyayari lamang ang nominasyon kung sakaling mabigo ang mga housemates sa una nilang task sa loob ng PBB house.
Sumunod na ipinakilala ang Kwelang Fangirl ng Sarangani na si Jie-Ann, at ang Charming Striker ng Parañaque na si Kobie.
Ang sumunod na pinapasok ng bahay ay ang Courageous Kabalen ng Pampanga na si Justin na isang proud member ng LGBTQ+.
Naging emosyonal naman sa pagpasok ng bahay ang Makatang Marikit ng Pangasinan na si Haira.
Ipinakita naman ng Military Son ng Palawan na si Chrismar ang kahandaan sa pagpasok sa PBB house.
Sumunod na ipinakilala si Ella — ang Ra-kweentera ng Quezon na pinatunayan ang galing sa Q&A.
Nagpakita naman agad ng charm ang Striving Footballer ng Cebu na si Chico.
Sumunod na ipinakilala si Aizyl — ang Miss Malakas ng Misamis Oriental, na nagsabing disiplina, respeto, at pakikitungo sa kapwa housemates ang kaniyang baon sa loob ng bahay ni Kuya.
Nangako naman si Russu — ang Bunsong Boksingero ng General Santos City, na ipapakita niya sa mundo na palaban ang mga Pinoy.
May halong lungkot naman ang pagpasok ni Andrea — ang Cheerdance Sweetheart ng Parañaque, dahil unang beses niya na mahihiwalay nang matagal sa pamilya.
Nang makapasok na ang labindalawang housemates, pormal na silang ni-welcome ni Big Brother at agad silang binigyan ng kanilang unang task. Kailangan nilang magbigay ng liwanag at ligaya sa pamamagitan ng pagsisindi ng ilaw ng isang giant Christmas tree. Magagawa lamang nila ito sa pamamagitan ng pagtuntong sa mga blocks na pagpapasa-pasahan nila habang nakapila upang makarating sa kinaroroonan ng Christmas tree.
At dahil nagtagumpay ang mga housemates sa kanilang unang task, walang naganap na nominasyon sa gabing iyon, pero siyam lamang ang maaaring pumasok nang tuluyan sa loob ng bahay. Ang tatlo ay kailangan munang manatili sa isang isolated area sa garden.
Ang mga heads of household na sina Kyron at Mika ang naatasaang mamili kung sino ang pansamantalang hindi makakapasok sa loob ng bahay.
Bago matapos ang gabi, inianunsyo ni Bianca na sa halip na 14 ang kabuuang bilang ng housemates, ito ay magiging 15.
Ito ay matapos magawan ng paraan ang naging problema ng aspiring housemate mula sa France na sa kasalukuyan ay kinukumpleto pa ang mandatory quarantine kasama ang dalawa pang aspiring housemates.
Samantala, mayroon pa ring tsansa ang napiling 117 aspiring housemates mula sa Luzon, Visayas, Mindanao, Metro Manila, at iba pang panig ng mundo. Tatlong official housemates pa ang pipiliin mula sa kanila.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa PBB history, ang taumbayan ang may kapangyarihang mamili ng natitirang tatlong official housemates na manggagaling sa Kumunity (Kumu community). Kailangan lamang i-download ang Kumu app sa kanilang mobile phone at suportahan ang napupusuang aspiring housemate sa pamamagitan ng panonood ng livestream ng mga ito mula December 6 hanggang 27. Maipapakita ang suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng alinman sa apat na virtual gifts — coin, star, Big Brother, o PBB house.
Pagkatapos ng isang linggo, 50 aspiring housemates na lamang ang magpapatuloy at mabibigyan ng susunod pang task.
Mula sa 50, patuloy itong mababawasan. Ang top 9 virtual earners ang magpapatuloy sa susunod na round hanggang sa matira at mapili ang tatlong official housemates.
Ang Pinoy Big Brother Connect ay mapapanood araw-araw sa iba’t ibang platforms gaya ng Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z Channel 11.
May livestreaming din ito 24/7 sa Kumu.