“That hurts so much.”
Ito ang naging pahayag ni Vice Ganda sa It’s Showtime kahapon, September 16, kaugnay ng pambabatikos ng ilang netizens sa kanya.
Ito ay may kinalaman sa isang taong natulungan niya kamakailan.
Sa segment na Reyna ng Tahanan ay napag-usapan ang pagtulong sa kapwa.
Dito na nagsimulang magbigay ng kanyang opinyon ang komedyante.
“May ganyan eh, tinulungan mo na, maldita pa.
“Tapos binigyan mo na ng kanan, hihingin pa yung kaliwa.
“Tapos pag hindi mo naibigay, mali pa yung pagbibigay mo ng kanan.”
Dito na rin siya nagsimulang magkwento tungkol sa isang karanasan kamakailan na nagpasama ng loob niya.
“May natulungan ako. Hindi ko ipinagmalaking meron akong natulungan.
“Pero yung tinulungan ko, sinabi niyang tinulungan ko siya.
“Tapos inilabas niya kung magkano yung itinulong ko sa kanya.
“Tapos nabasa ko sa mga comments… ‘Ha? Ganun lang pala binigay ni Vice Ganda? 20 thousand lang?’
“Pag ako ba yung tumulong, dapat may presyo?
“Tumulong na ako nang kusa, ayoko ngang magpa-acknowledge kaya hindi ko sinasabi.”
“Pero yung nilabas mo yung pangalan ko, tapos inokray pa ko ng mga ano… nasaktan ako talaga.
“Pag hindi ka tumulong, ang sama-sama mo.
“Pag tumulong ka, kukwestyunin ka, bakit yun lang ang itinulong mo.
“That hurts so much.”
Panoorin ang nasabing pahayag ni Vice dito.
'Yung tumulong ka na nga, napasama ka pa. 🤦♂️
“That hurts so much.”
~ Vice Ganda pic.twitter.com/z8Rva2Bht9— Pinoy Daily (@thepinoydaily) September 16, 2021
Bagama’t wala siyang binanggit na pangalan, tila ang komedyanteng si Ate Gay o Gil Morales sa tunay na buhay ang tinutukoy niya.
Matatandaang sa pagkakaospital nito kamakailan ay isa si Vice sa sinasabing nagpadala ng tulong-pinansiyal para rito.
Naging kontrobersiyal kamakailan ang komedyante matapos mag-post sa Facebook tungkol sa mga kaibigan niyang aniya’y walang ginawa kundi ang magreklamo. (Basahin ang related post dito.)
Dahil sa nasabing post ay inulan siya ng batikos ng ilang netizens.
May ilan pa ngang nagsabi na sana ay hindi na lang siya tinulungan ni Vice Ganda noong naospital siya.
Marahil ay di natiis ni Ate Gay ang pamababatiko sa kanya kaya nag-post siya sa Facebook ng listahan ng mga taong tumulong sa kanya noong maospital siya.
Kasama sa listahan ang mga halaga na natanggap niya sa mga ito.
Kabilang dito sina Paolo Ballesteros (60K), Beks Battalion (30K), Ogie Alcasid (10K), Teri Onor (10K), Ogie Diaz (10K), at Vice Ganda (20K).
“yung mga nagbigay sa akin di ginalaw ng kapatid ko bagkus ginastos ko sa renta sa condo maintenace ko at ng nanay ko… wala naman po akong trabaho kaya di sinama ng kapatid ko ang mga bigay ng mga kaibigan ko..”
Bagama’t ang intensiyon ng nasabing post ay linawin na hindi lamang si Vice ang tumulong sa kanya, iba ang naging dating nito sa publiko.
Ayon sa ilang komento, hindi na lang sana ipinangalandakan pa kung sino-sino ang tumulong at kung magkano ang itinulong ng bawat isa bilang respeto na rin sa mga ito.