Sa social media naglabas ng sama ng loob ang isang babae sa Caloocan City matapos itong sitahin at tiketan ng pulis dahil sa pagsusuot niya ng shorts sa kalsada na isa umanong paglabag sa ordinansa ng lungsod.
Sa report ni Jun Veneracion sa 24 Oras ng GMA News kagabi, sinabing warning pa lamang ito sa babae at pagmumultahin na kapag naulit pa.
Ayon sa babaeng itinago sa pangalang Carmina, lumabas siya ng bahay at magde-deliver sana ng mga tindang produkto nang sitahin siya ng pulis at tiketan.
At dahil unang paglabag pa nga lamang ito, wala pa siyang babayarang multa.
“Akala ko po tungkol po sa mask yung nilapit niya sa akin kasi po hawak ko po yung mask ko noon.
“Ang sabi niya po yung maikling short daw titiketan daw po niya ako.
“Tapos sabi ko paano po yun sir hindi ko po alam na bawal ang maiksing short.”
“Halos lahat naman po talaga naka-short na po eh sabi nga po ng matatanda doon paano naman kami nagso-short din huhulihin din ba nila matanda na kami.”
Ayon pa sa ulat, papaimbestigahan na ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan ang insidente.
Base sa city ordinance na ipinasa noon pang 2007, nagtakda ng “dress code in public places” ang lungsod, kung saan inaatasan ang publiko na magsuot ng tamang damit sa mga pampublikong lugar.
Kabilang sa probisyon ang pagtatakda sa mga nagtitinda sa palengke na bawal ang nakahubad, at naka-short, sando o sleeveless o sira-sirang damit.
Sa social media, may ilang taga-Caloocan din ang naglabas ng hinaing kaugnay ng kahalintulad na insidente.
Mabilis na naging usap-usapan sa social media ang nasabing insidente at umani ng reaksiyon mula sa netizens.
Narito ang ilan sa kanilang mga komento.
“So, paano malalaman kung gaano kaigsi ang maigsi? May sukatan bang magagnap?”
“2007 pa pala ordinance. Eh bakit parang ngayon lang ipinapatupad?”
“May shorts naman kasing disente pa rin. Saka wala naman sa suot yan.”
“Maganda ang intensyon ng ordinance. Malabo lang talaga.”
“Gaano kahaba ang shorts na katanggap-tanggap para sa kanila?”
“Baka di lang mkinis si ate kaya natiketan. Charot! Hahaha”
“Maraming mas malaking problema na mas dapat pagtuunan ng pansin.”