Hindi na muna mapapanood sa ABS-CBN noontime show na ‘It’s Showtime‘ ang isa sa mga main hosts nito na si Jhong Hilario sa sandaling magbalik ang live show ng programa.
Ayon sa ulat ng PEP.ph, ang nasabing desisyon ng tinaguriang ‘sample king’ ay para na rin sa kapakanan ng kanyang asawa na si Maia at ng kanilang anak na si Sarina.
Top priority raw muna ni Jhong ang kapakanan at kalusugan ng kanyang pamilya lalo na ngayong panahon na patuloy pa rin sa pagtaas ang bilang ng kaso ng C0VlD-19 sa bansa.
Matatandaang itinigil pansamantala ng ‘It’s Showtime‘ ang pag-eere ng mga live episodes dahil na rin sa kalagayan ngayon ng Metro Manila na kabilang sa tinatawag na NCR+.
Ang NCR+ ay kasalukuyang nakapailalim sa ECQ o enhanced community quarantine. Kabilang dito ang buong Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal.
Ngunit bago pa man ang pagpapatupad nito, nagdesisyon na ang pamunuan ng ‘It’s Showtime‘ at ABS-CBN na suspindihin na muna ang mga live episodes ng kanilang mga programa kabilang na ang ‘It’s Showtime” at ‘ASAP Natin ‘To.’
Ayon umano sa isang insider ng PEP.ph, babalik kaagad ang live show ng ‘It’s Showtime’ sa sandaling itigil na ang pagpapatupad ng ECQ at gawin na lamang MECQ o modified enhanced community quarantine.
At kapag nangyari na ang ang pagbabalik na ito, hindi na muna mapapanood ang ‘sample king’ na si Jhong.
Kabilang din si Jhong sa celebrity impersonation competition na ‘Your Face Sounds Familiar‘ na papapanood din sa ABS-CBN.
Nasa kalagitnaan pa lamang ang season ng nasabing programa na napapanood tuwing weekend.
Ngunit napablitang maging dito ay nagpaalam na rin si Jhong bilang pag-iingat nga sa kanyang pamilya.
Marami ang naghinayang dahil isa pa naman si Jhong sa madalas na nasa top 4 performers every week.
Sa katunayan, dalawang beses na siyang weekly winner sa nasabing programa.
Siguradong maraming fans ang makaka-miss kay Jhong lalo na ang kakulitan nito sa Kapamilya noontime show.
Pero sigurado namang naiintindihan ng kanyang mga fans ang naging desiyon niya lalo na at pansamantala lamang naman ito.
Samantala, patuloy pa rin naman daw sa paglilingkod niya bilang konsehal ng Makati si Jhong.